UV Express, nag-abiso ng taas-pasahe, bumawi nang masita

18


Nag-display na ng abiso ang isang UV Express terminal sa Meycauayan, Bulacan na magpapatupad ito ng taas-pasahe simula dapat sa susunod na linggo.

Saad ng abiso, madaragdagan ng P5 ang pasahe sa biyaheng Bulacan hanggang Quezon City. 

Paliwanag pa nito, 10 taon nang napako sa P45 ang pasahe sa kanilang biyahe kahit pa patuloy na tumataas ang presyo ng petrolyo, upa sa terminal, at iba pang pangunahing bilihin.

Giit ng isa pang drayber, halos wala na raw natitira sa kanilang kita dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo.

Bukas naman sa pagbabayad ng mas mahal na pasahe ang ilang pasahero, pero dumaing ang ibang commuter dahil mabigat sa kanilang bulsa ang dagdag P5 sa pasahe.

Pero bago pa man masingil ang bagong pasahe, nagpaalala na agad ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa grupo ng UV Express na hindi maaaring basta-basta lang sila magtaas ng pasahe.

Tulad ng iba pang operator ng pampublikong sasakyan, kailangan ding dumaan muna sa proseso ng pagpepetisyon ng taas-pasahe ang hiling ng UV Express.

Agad namang tumalima ang operators ng UV Express terminal sa Meycauayan at sinabing ipatutupad na lang ang taas-pasahe kapag aprubado na ito ng LTFRB.

Nakatakda pa lang silang maghain ng petisyon para sa fare increase ngayong linggo.

— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments