@Ur Service!: Sinusubok ng Maute ang netizens

0
79


Sa lagpas dalawang linggong pakikipagbakbakan ng Maute sa Marawi City, halatang puntirya ngayon ng propaganda ng grupo ang social media.

Mga ka-netizen, sinusubok ng Maute ang netizens sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga videos at litrato sa Facebook, Youtube, at iba pang platform ng socmed.

Kumalat sa social media ang aktuwal na bakbakan at pagsukol ng Maute fighters sa mga tangke ng sundalo. May mga lumang video ng pamumugot ng mga terorista sa mga bihag.

Nag-viral sa social media ang video ng pagwasak sa mga rebulto at panununog sa St. Mary’s Cathedral noong Linggo.

Lumikha ito ng galit mula sa mga Katoliko at nangilabot ang mga obispo ng Simbahang Katoliko.

Tinawag ni Marawi City Bishop Edwin de la Peña ang ginawa ng maute bilang ‘demonic act’.

Ayon sa Obispo, halong galit at pangingilabot ang naramdaman n’ya habang pinanonood ang video na inilabas ng Islamic State news agency, Amaq.

Habang nilalapastangan ng mga Maute ang simbahan, sumisigaw ang mga ito ng “Allahu Akbar” — isang Islamic phrase na Takbir sa Arabic — ang ibig sabihin ay “Allah is Greater” o “Allah is [the] greatest”.

Pati ang Malacañang nangangamba na rin sa kahihinatnan ng mga proganda ng Maute sa social media.

Ayon kay AFP Spokesman Gen. Restituto Padilla, hiniling na nila ang pag-pullout ng video sa social media sites.

Ayon kay Padilla, propaganda ito ng Maute terror group para lumikha ng galit sa pagitan ng mga Kristiyano at Muslim.

Umapela ang Malacañang sa mga netizens na maging responsable at ‘wag basta maniwala o magpakalat ng mga hate campaign, fake news, at propaganda ng mga terorista.

Hindi religious war ang nangyayari sa Marawi City, kundi laban ng mga teroristang hangad lamang ay pumatay at maghasik ng kaguluhan.

Mga ka-netizen, ibig sabihin sinusubok ng propagandang ito ang dunong ng netizens – mapa-kapatid na Moro o Kristiyano man.

Hiling natin na ma­ging responsable ang netizens sa pakikipagdigma sa pamamagitan ng matalas na paglalahad ng opinyon sa social media.

Muli, nililinaw natin, hindi digmaan ng relihiyon ang kaguluhan sa Mindanao  kundi kagagawan ito ng maliit na grupo na gustong magyabang sa buong mundo.

Ang kahambugan ng Maute ay nauwi sa marahas na digmaan sa Marawi City. Ang maliit na grupong ito (‘di hamak na mas malaki ang Abu Sayyaf Group) ay pinatulan ng Malacañang at sinusugan pa ng Martial Law.

Ngayon, sinusubok ang galit ng mga Katoliko.

Ayon sa Wikipedia  mayorya ng populasyon sa Pilipinas ay mga Christian (Kristiyano). Sa 92% ng Christian population, 81% ang mga Romano Katoliko.

Hindi po natin hangad na sukatin ang pwersa ng mga relihiyon sa Pilipinas, gusto lamang nating ipunto na malaki ang po­pulasyon ng nakakaramdam ng pagkayamot at galit sa puso (kasama ang inyong lingkod bilang Sagrado Katoliko) sa tuwing nilalapastangan ang ating bahay sambahan (simbahan).

Mga ka-netizen, mga kapatid na Moro, mga kapwa ko Katoliko at iba pang sekta ng relihiyon — ang kaganapan sa Mindanao ay isang salinlahing problema na minana pa natin sa ating mga kanunu-nunuan.

Ito ay walang kinalaman sa pananampalataya at relihiyon. May kanya-kanyang paniniwala at sali-saliwang prospektiba na dapat suklian ng respeto at pag-unawa.

Sa ating gobyerno, habang kaya pang agapan at wala pang digmaan ng pananampalataya — hindi puro dada at puro porma  tapusin na ang gulo sa Marawi City!!!

Pakiusap Pangulong Digong, gawa ang makalu­lutas sa problemang ito, hindi puro ngawa…
‘Walk the Talk’, hindi Talk lang ng Talk!!! Adios!

***

Email: jmt_ur.service@yahoo.com
// Facebook: JunMarcosTadios
// Twitter: @jmt_twit
// 09186617601 // 09152217601



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments