@Ur Service!: Masusubok ang ‘balls’ ni Bato sa jueteng

0
51


Hindi pa man natatapos ang mala-telenobelang kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa ilegal na droga  may bago na namang misyon si PNP chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa.

Target ni Bato ang ‘Jueteng-Free Philippines’.

Sa loob daw ng kalahating buwan, tatapusin ni Bato ang ‘jueteng’ sa buong bansa at puputulin ang lahat ng operasyon ng ‘bookies’ (o ilegal na patayaan) ng Small Town Lottery (STL).

Hanep… kung tatama si Bato, 15-days lang ‘jueteng-free’ na ang Pilipinas! Klap…klap…klap!

As usual, ‘yun ay kung hindi hihirit ng UNLI­MITED na EXTENSION si Bato. Tulad ng paulit-ulit na extension sa Tokhang.

***

Nakipagkasundo raw si Bato sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Miyerkules (July 26, 2017) na sa loob ng 15-araw wala nang jueteng sa buong bansa.

Ang mga bookies naman ng STL – iisa-isahing bubuwagin ng PNP.

Pati iba pang illegal na sugal, pinakyaw na raw ni PNP chief na tatabasin  katulad ng ‘masiao’ bookies ng EZ2, Swertres at iba pa.

Kumbaga  ‘sky is the limit’ ang promise ni Bato para tuldukan ang napabayaang problema sa anti-illegal gambling.

Nasabon kasi si Bato ng PCSO dahil NATUTULOG SA PANSITAN ang PNP at nabansagan pa silang ‘ANEMIC PERFORMANCE’ pagdating sa anti-illegal gambling operations. Sa madaling sabi, buminggo si Bato!

***

Kailangang maging ‘good boy’ ang PNP sa PCSO dahil nakapagbigay ang ahensya ng P180 million sa mga pulis noong 2016 at nasa P154 million na ang naibibigay ng PCSO sa PNP nitong first quarter pa lamang ng 2017.

Ang pondong pinagkakaloob ng PCSO sa PNP ay parte ng 2.5 porsiyentong share ng Pambansang Kapulisan para sa medical at health program sa mga pulis. 

Hindi na kailangan ng ‘jueteng payola’, mayroon nang bigayan sa PCSO!!???

***

In fairness sa ating PNP chief, mayroon itong DELICADEZA pagdating sa pangako at salita.

Siguradong pauusukin ng PNP ang mga probinsya na namamayagpag ang jueteng lalo na sa Luzon.

Sa Hilagang Luzon (Region 2), piyesta ang jueteng sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino.

Sa probinsya ng Cagayan, 70% ang jueteng at 30% ang STL.

Ayon sa mga urotero nating ka-netizen, ‘yung 30% na STL halos 50-50 pa raw ang legal at bookies.

Sumatutal, 15% lang ang pumasok sa STL at 85% pa rin ang kontrolado ng mga jueteng operators.

***

Masusubok ang integridad at sinseridad ni PNP chief pagdating sa anti-jueteng drive.

Bukod sa Region 2 kung saan namamayagpag ang jueteng – halos doble ang tigas ng ulo ng mga jueteng operators diyan sa CALABARZON o Region 4-A na kabi-kabilaan ang bolahan ng jueteng sa Batangas, Cavite, Laguna, at Quezon.

Siguradong sasakit din ang ulo ni Bato kapag sumablay ang pagpapahinto ng jueteng diyan sa Region 1 lalo na sa Pangasinan.

Sa Ilocos Sur na balwarte ng mga Singson at sa Ilocos Norte na balwarte naman ng mga Marcos na malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Anyway, nauuso ngayon ang hamunan ng – kung sino ang may ‘balls’?
And I bet, isa si PNP Chief Bato Dela Rosa sa mayroon nito.

Magkakatalo lang kung sino ang mas HARI at kung sino ang mas MALAKI ang ‘balls’. Adios!

***

Email: jmt_ur.service@yahoo.com
// Facebook: JunMarcosTadios // Twitter: @jmt_twit // 09186617601 // 09152217601



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments