@Ur Service!: Adios ‘Robin Hood’ ng Aparri

0
153


Marami ang kumu­kwestyon (kabilang na ang inyong lingkod) sa serye ng patayan sa ilalim ng ‘war on drugs’ ng Duterte administration.

“MY GOD… I HATE DRUGS…” Sa ganitong linya pinukaw ni Pangulong Duterte ang atensyon ng 16 milyong Filipino noong halalan. Walang duda, sa linya ring ito naipanalo ni Duterte ang kanyang biyahe sa Malacañang.

Walang kwestyon… ayaw natin sa droga!

Mga ka-netizen, ang laban ng mga Pinoy kontra droga ay may kaakibat na hamon – “Nasaan ang hustisya?”

Sa mahigit pitong libong napapaslang sa war on drugs  kung hindi barker ng jeep, pedicab boy, vendor o tricycle driver  (Bakit) mga ordinar­yong nagtutulak ng droga ang napapaslang sa Oplan Tokhang ng Philippine National Police (PNP)!??

Ang lagi nating hamon sa gobyernong ito  “Hulihin, panagutin, pagbayarin at paslangin (kung kinakailangan) ang mga ‘ugat’, ‘promotor’ at ‘kapitalista’ ng droga sa bansa”.

‘Wag ituro ang punyal sa mga mahihirap na mamamayan lamang, at higit sa lahat, ‘wag ipukol ang talim ng palakol sa mga taong ginagamit na kasangkapan lamang ng mga sindikato ng droga.

Sa madaling sabi, hindi dapat “anti-poor” ang anti-drug campaign ng pamahalaan.

***

Biyernes, Hunyo 16, bago magdapit-hapon, binistay ng bala ng tatlong salarin ang kinikilalang ‘Robin Hood’ ng Aparri na si Julio “Bong” Decierto.

Apat na tingga ng M-14 Armalite riffle ang bumaon sa ulo ni Decierto at may tama rin ng bala ng 9mm pistol sa kanyang katawan.

Si Decierto ay kapatid ng alkalde ng Aparri na si Mayor Shalimar Decierto-Tumaru  ang pinakamatandang political dynasty na may hawak ng timon ng pulitika sa bayang ito.

Bilang isang Aparriano (tubong Aparri), nakamulatan ko rin ang paghahari ng mga Tumaru sa bayan ng Aparri.

Hindi sikreto sa bayang ito si Bong Decierto (kapatid ni Mayor Tumaru) ay nauugnay sa ilegal na droga.

Ayon sa mga ulat, kasama ang pangalan ni Decierto sa mga personalidad na nasa drug watch list ni Pangulong Duterte.

Si Decierto at ang angkan ng mga naghaharing pulitiko sa bayang ito ang bukambibig ng mga Aparriano na ‘utak’ ng ilegal na droga. Hanggang ngayon hindi pa ito napapatunayan sa husgado.

Droga, third party o kung ano pa man ang motibo? Totoo o hindi ang hinala ng mga Aparriano… sa wakas tila sinagot na ang ating paghahamon na hindi lang dapat sa mahihirap ginagamit ang pangil ng war on drugs ng Duterte administration.

***

Mga ka-netizen, si Bong Decierto ay prominenteng tao sa Aparri.
Madali itong hingan ng tulong lalo na sa mga namamatayan.

Antimano at walang puknat, P10,000 ang financial assistance na ibinibigay ni Decierto sa mga namamatayan. Ito ang dahilan kung bakit itinuring s’yang ‘Robin Hood’ ng Aparri.

Tama ba o mali? Hindi natin kinukunsinti ang patayan o ang pamamayagpag ng ilegal na droga sa ating bansa.

Higit sa lahat, hindi natin pagtatakpan ang inhustisya.

Ang dangal ni Decierto bilang isang tao ay hindi kayang bawiin sa pamamagitan ng pagpaslang. Gayundin naman, ang pagpaslang sa kanya ay hindi magbibigay ng dangal sa kanyang pagkatao.

Robin Hood, durugista, gambling lord o kung ano pa man… ang bawat pagkakasala ni Decierto sa mata ng mamamayan at ang bawat butil ng malasakit nito sa mga natulungang Aparriano ay isa na lamang alamat.

Isang kwento na mamanahin ng salinlahing hene­rasyon ng mga Aparriano.
Mga kababayan kong Aparriano – Adios, na si Robin Hood!

Wala na ang gabi-gabing nagpupuyat sa mga lamay at burol. Wala ng sumisipol sa lamesa ng ‘pekyuhan’ (salitang Aparriano). Wala na ang sinasabi nilang ‘drug lord’. Wala na rin ang pinakamatibay na ‘pader’ ni Mayor.

Pwede nang magbalot-balot ang mga naghaharing pulitiko sa bayan ng Aparri.

Adios na sa baluktot na sistema.
Adios na sa droga.
Adios na sa ilegal na sugal.

Sa wakas, magpapahinga na si political dynasty! Bye-bye na sa mga nagtitimon ng pulitika sa bayang ito. Adios!



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments