Umento, subsidiya mula sa gobyerno, inihirit

0
54



Naghain na ng petisyon para sa mas mataas na umento ang isang labor group dahil sa pagbagsak ng purchasing power, o aktuwal na kayang bilhin ng kasalukuyang pera. 

Mula sa dating hinihirit P157 na umento, tinaasan ito ngayon at naghain na ng petisyon ang Associated Labor Unions para sa P184 na dagdag sa minimum wage kada araw.

Ito ay dahil bumagsak ulit ang purchasing power o kakayanang makabili ng minimum wage earners base sa bagong datos na inilabas ng National Wage and Productivity Commission kahapon.

Halimbawa, ang minimum wage na P491 kada araw sa NCR ay P357 na lang ngayon ang tunay na halaga base sa itinaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Umaasa ang Alliance of Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na maaaksyunan ang wage hike petition sa loob ng isang buwan.

Ngunit ngayon pa lang, sinabi na ng grupo ng mga employer na malabo nilang maibigay ang hinihirit na P184 umento sa minimum wage.

Subsidiya sa mga manggagawa, inihirit din

Bukod sa minimum wage hike, humihingi rin ang ALU-TUCP ng P500 subsidiya kada buwan para sa mga manggagawa sa loob ng isang taon.

Ayon sa grupo, makatutulong ang P500 monthly subsidy para madagdagan ang budget sa pagkain at kalusugan ng mga minimum wage worker.

Maaari naman anila na kunin ang pondo sa social funds ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Umaasa kami sa kanya dahil nag-commit siya. Ang sabi niya naiintindihan niya,” sabi ni ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay.

Umaasa rin ang ALU-TUCP at iba pang labor group na matutuloy ang ipinangakong follow up meeting sa kanila ni Pangulong Duterte, na naudlot dahil sa sunod sunod na biyahe ng pangulo sa Cambodia, Hong Kong, China at Russia.

— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments