ULAN NG PAGPAPALA: Kapahingahan sa presensiya ng Panginoon

0
29


Ang mga taong nananalig sa Panginoong Jesus ay may mga pakikibakang hinaharap sa mundong ito. Ang mga pakikibakang iyan ay magpapatuloy hanggang sa araw ng Kanyang pagbabalik.

Anu-ano ba ang mga pakikibakang iyon? Lahat ng mga may kinalaman sa kasalanan.

Hindi nga ba nakakapagod? Nakikibaka ka sa sarili mo, sa mga kasalanang nagagawa mo araw-araw.

Nakikibaka ka rin sa mga sakit at hapis na dulot sa iyo ng mga pagkakasalang nagagawa sa iyo ng ibang tao araw-araw.

Kung hindi mo aasikasuhin ang pagpapalakas sa espirituwal na aspekto ng buhay mo, hindi mo mamamalayan na sa paglipas ng panahon ay apektado na ang buong pagkatao mo sa negatibong paraan.

May kilala akong napakalungkot ang pinagdaanan bago siya binigyan ng pag-asa ng Panginoon.

Kilala siya bilang isang matapang na nilalang, hindi pumapayag na lait-laitin ng kahit na sino.

Kapag biniktima mo siya kahit pabiro lang, yari ka. Doble-boble ang resbak sa iyo, halos ikaiyak mo.

Ganu’n siya noon; bago ‘yung heartbreak na dinanas niya.

Napasama siya sa mga abusadong tao dahil sa pag-ibig. Ang resulta: pagkatapos ng relasyong iyon, hindi na niya halos makilala ang sarili niya.

Nasanay siyang hindi niya ipinaglalaban ang sariling kapakanan, mapanatili lang ang relasyong pinasukan.

Iniipit, pinagsasamantalahan ang pasensiya, ginagatasan pa. Maraming gastusing pinasasagot sa kanya.

Nang makalabas siya sa relasyong iyon, nagulat ang mga dating nakakakilala sa kanya.

“Anong nangyari sa iyo? Hindi ka dating ganyan. Ang pagkakakilala ko sa iyo, ikaw ‘yung klase ng taong hindi papayag na maisahan siya o may mang-abuso sa kanya.”

Balde-balde ang iniluha dahil sa sakit ng kaloobang sinapit. Kapag ganu’n ang sitwasyon, ang the best na malalapitan mo ay ang Panginoong Jesus pa rin.

‘Yung Panginoon na matagal mong hindi pinansin ay mapagpa­sensiya at naghihintay pa rin sa iyo.

Pinagpala ang batang iyon. Nag-res­pond siya nang tama sa alok ng Panginoong Jesus na manalig sa Kanya.

Unti-unti nang nakakangiti, unti-unti na siyang naghihilom. Ang ibang may sari­ling diskarte sa buhay at ayaw magpasakop sa pagka-panginoon ni Jesus ay tiyak na magkikimkim ng galit at baka maghiganti pa nga.

Maganda ‘yung pakiramdam nang na kay Jesus. Bibitawan mo sa Kanya ang lahat ng iyong agam-agam.

Magtitiwala ka sa Kanyang paghawak sa sitwasyon mo, at sa paggawa ng mga solusyon sa problema mo.

Ang kapahinga­hang iyan ay hindi mapapasaiyo kung hindi mo bibigyan ng oras ang pakikipagniig sa Kanya.

Hangga’t hindi gumagaan ang loob mo, huwag mong bitawan ang pagkakataong manalangin at makapaghinga ng kalooban.

Minsan, ‘days’ ang kailangan mong igugol sa gawaing ito, at hindi kaunting oras lang sa isang araw.

Exciting ‘yung lakbaying espirituwal na kasama ang Panginoong Jesus. Iniimbitahan kitang subukan ito.

Shalom and God bless!

(zayithhebron.wordpress.com)



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments