ULAN NG PAGPAPALA: Divided –

0
85


We have always been divided as a people. Nu’ng minsang nakakuwentuhan ko ‘yung taxi driver na nagmaneho para sa akin, at nagbibigay siya ng opinyon tungkol sa ­pulitika dito sa ating bayan, napabuntung-hininga na ­lamang ako. Nang matapos siya sa mga sinasabi niya, ang nasambit ko na lamang ay ito:

“Kahit sino, Sir, ang iupo mo riyan sa Malakanyang, walang mangyayari sa bayan natin kung ang mismong karakter ng maraming mga Pilipino ay baluktot. Hindi nakasalalay sa iisang leader ang kaunlaran ng bansa. Nasa tunay na pagkatakot at paggalang sa Panginoong Diyos. Kung meron ka niyan, talagang hindi ka gagawa ng ikapapahamak ng bayan mo. Alam mo na kahit walang nakatingin sa iyo, ang Diyos ang nakakakita ng lahat ng ginagawa mo.”

Mabuti na lamang at marami pa rin sa atin ang may mabubuting kalooban. Mga matulungin kapag may sakuna; hindi pa rin nawawala sa atin ang “bayanihan spirit”.

Pero alam mo, kapag iniisip ko ang kalagayan ng ating bayan, hindi ko maiwasang maalala ‘yung itsura nu’ng mga talangkang nasa balde. Nu’ng bata pa ako, mahilig bumili ng talangka ang nanay ko mula sa naglalako sa kalsada. Ang sarap kainin kapag luto na! Nakakarami kaya ako.

Anyway, naalala ko ‘yung mga talangka sa balde. Fascinating panoorin ang mga iyon. Parang malalaking langgam na mag-uunahan gumapang papataas para makalabas sa balde. Pero ‘yung mga nasa itaas, hindi nagiging successful sa pagtakas dahil hinihila sila pababa nu’ng mga talangka na nasa ilalim at kasunod nila.

Aliw panoorin. Talagang mga pasaway. Walang kapagud-­pagod sa ginagawang paghihilahan pababa. Dama siguro nila na papalapit na sila sa lutuan kaya ganu’n.

Tayong mga Pilipino, naghihilahan tayo pababa sa iba’t ibang klaseng paraan. Mga timbangang may daya; mga taxi driver na holdap kung sumingil ng pasahero sa NAIA; mga taxi driver na galit sa Grab at sa Uber dahil apektado ang kita nila, pero kapag kailangang-kailangan mo sila e hindi ka seserbisyuhan dahil namimili ng pasahero; mga empleyado ng pamahalaan na humihingi pa rin ng lagay nang patago; mga nagpapatuloy pa rin sa pagtitinda ng shabu kahit alam nang pinaigting na ang giyera kontra droga; mga live-in, mga naninira ng tahanan at buhay ng mga batang inianak na lamang.

Mga kapit sa patalim, imbes na kumapit sa Diyos.

“The Only Christian Nation in the Far East” tayo kuno. Pero palagay ko noon iyon, hindi na ngayon. Wala nang takot sa Diyos ngayon ang napakaraming mga kabataan. Makikita mo sa pinaggagamitan ng oras nila. May nakita ka na bang lugar sa Pilipinas na mas marami ang batang pumupunta sa simbahan kaysa sa mga computer shops? Parang wala akong alam.

At itong mga batang ito ang isang araw ay tatanda rin, boboto, pipili ng mga ihahalal na manunungkulan sa bayan, papasok sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan bilang mga kawani.

Kahabag-habag ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino kung hindi pahihintuin ng Diyos ang patuloy na pagbagsak ng karakter natin bilang isang bansa. 

“At kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at manalangin, at hanapin ako at tumalikod sa kanilang masasamang lakad; akin silang pakikinggan mula sa langit at patatawarin ko ang kanilang kasalanan at pagagalingin ang kanilang lupain.” (2 Cronica 7:14)

Kapatid, nakikita mo na ba kung bakit kailangan nating magbuno sa panalangin? Malaki ang problema ng bansa. Karamihan, puro sariling kapakanan lamang ang iniisip. Kaya magsipag tayo sa pananalangin, ha? Sa sarili nating lakas hindi natin mababago ang takbo ng bansa natin. Pero sa lakas ng Diyos mismo, pwede.
Pag-isipan nating mabuti. Shalom and God bless!

(zayithhebron.wordpress.com)



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments