ULAN NG PAGPAPALA: Ang pinakahamak sa inyong lahat ay siyang dakila

0
70


“Nagkaroon ng isang pagtatalo sa kanila kung sino sa kanila ang pinakadakila. Subalit dahil batid ni Jesus ang iniisip ng kanilang puso, kumuha siya ng isang maliit na bata at inilagay sa kanyang tabi.

“At sinabi sa kanila, ‘Sinumang tumanggap sa maliit­ na batang ito sa aking pangalan ay tinatanggap ako, at ang sinumang tumanggap sa akin, ay tinatanggap ang nagsugo sa akin, sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ay siyang ­dakila.” (Lucas 9:46-48)

Ganu’n ang Panginoong Jesus, e. Ayaw Niya sa mga gawaing palabas lang. Ibig kong sabihin, ‘yung mga klase ng pag­lilingkod na pakitang-tao lamang.

Para lang masabing ang ­galing-galing mo, ang Diyos ay sumasaiyo, kaya dapat sa iyo kaming lahat sumama.

Ang hanap ng Panginoong Jesus ay ‘yung tunay, hindi tanso. Ang mga bata, kadalasan pinaaalis iyan mula sa harapan natin kapag may bisita. “Doon ka sa labas, hindi ka kailangan sa usapan ng mga matatanda.”

Tapos, kapag gusto ng palabas: “Tawagin mo nga si ­Neneng! Nandito ang ninang niya pakantahin natin, ‘di ba praktis ng praktis ng kanta iyan?”

Alam ng Panginoon ang kalooban ng mga bata. Susunod iyan sa magulang, kahit na nagrerebolusyon ang kalooban doon sa bagay na pinagagawa. Ang iniisip ay ang mabigyan ng kasiyahan ang ama o ang ina, at matawag na masunurin.

Ang mga hamak ang pinakadakila. Ang mga hamak kasi, kung may pananampalataya sa Diyos, ay kakapit at kakapit sa Panginoong Jesus kahit ano pa ang mangyari.

Wala na kasing ibang kakapitan. Kasiyahan ng kanilang buhay ang maging masunurin sa Diyos Ama.

Malaki ang tiwala nila na lahat ng ­ginagawa nila rito sa lupa ay magkakaroon ng gantimpala sa tamang panahon, dahil Diyos mismo ang magpapala sa kanila.

Magandang pagtuunan natin ang mga sarili nating saloobin o attitudes sa puntong ito. Kumusta ang relasyon natin sa Pa­nginoon?

May tampo po ba tayo sa Diyos dahil hindi natin ­nagugustuhan ang takbo ng ating mga buhay? Kinukuwestiyon ba natin ang mga nangyayari at Siya ang ating sinisisi?

O ang pinakamasaklap: Iniwan na ba natin ang Diyos na si Jesus, dahil nadismaya tayo sa isang pangyayari at nawalan tayo ng pananalig?

Mauunawaan natin ngayon kung bakit pinuri ng Panginoong Jesus ang isang bata. Ang karaniwang bata ay buo ang pagtitiwala sa kanyang mga magulang.

Umaasa at naniniwala ito na kahit kailan ay hindi siya ilalaglag ni Mama at ni Papa. Mala­kas siya kapag kapiling niya ang mga ito.

Gayong matatag na pananalig kay Cristo ang magpapasaya ng kalooban ng ating Diyos. ‘Yun bang kahit parang ang dilim na ng paligid, malungkot ang puso mo, umaasa ka pa ring naka­bantay ang Diyos. Isang araw ay magliliwanag din ang iyong paligid.

Kaya kapatid, babad tayo sa Salita ng Diyos. Doon sa Bibliya natin maririnig ang Kanyang tinig araw-araw; isang tinig na nagsasabing hawak Niya ang mga buhay natin at wala tayong dapat ikabahala o ikatakot.

Dalangin kong ibigay ng Banal na Espiritu sa bawat isa sa atin ang gayong lakas ng kalooban.
Sa mga ama ng tahanan na nagdiriwang ngayon ng Father’s Day kasama ng kanilang mga pamilya, dalangin kong madama ninyo sa inyong mga puso ang ganap na pagpapala ng Diyos.

Shalom and God bless!

(zayithhebron.wordpress.com)



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments