Uber, balik-kalye matapos magbayad ng P489 milyon

0
49


Balik-kalye na ang mga driver ng Uber matapos magbayad ang kompanya ng kabuuang P489 milyon, kabilang na ang P190 milyon multa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Martes, Agosto 29, upang matanggal ang isang buwang suspensiyon. 

Nagbayad ng P190 milyon ang Uber bilang multa at P299 milyon naman bilang financial assistance sa mga apektadong operator at driver nito. 

Matapos ang pagpupulong ng mga abogado ng Uber at ng LTFRB, tinanggal na ang suspensiyon dito.

Gumagana na rin ang mobile application ng Uber at maaari nang mag-book ng sasakyan. Matatandaang noong sinuspinde ang Uber ay hindi makapag-request ng sasakyan ang mga gumagamit nito.

Ang suspensiyon ay ipinataw ng LTFRB noong Agosto 14 dahil sa diumano’y paglabag nito sa moratorium sa muling pagrerehistro ng mga panibagong driver.

Una nang ipinaliwanag ni LTFRB spokesperson Aileen Lizada na ang basehan ng kanilang multa ay ang natitirang 19 na araw ng suspensiyon na aabot sa P10 milyon kada araw.

Nilinaw naman ni Lizada na ang kanilang computation ay base sa isinumiteng data mula sa Uber na kumikita ang naturang kompanya ng P10 milyon kada araw. Ito rin aniya ang kauna-unahang pagkakataon na ang suspensiyon ay ginawang multa. 

Noong nakaraang Biyernes, Agosto 25, ipinag-utos din ng LTFRB na bayaran ng mahigit P19.9 milyon kada araw ang drivers nito hanggang sa maibalik ang regular nitong operasyon.

“[T]he Board affirms the commitment of the Respondent USI (Uber Systems Inc.) to remit the financial assistance and hereby directs to pay its TNVS peer-operators the amount of P19,949,600 per day until the day when the services of Respondent USI will be restored,” ayon sa desisyon na inilabas ng LTFRB.

Pangamba naman ni Vic Dimagiba, presidente ng Laban Konsyumer Inc., maaaring maipasa ang naging gastos ng Uber sa mga pasahero nito.

“Dapat may maliwanag na pahayag ang Uber na iyang multang P190 million na ipinataw ng LTFRB ay hindi babawiin sa mga Uber riders… ‘Yon lamang ang naisip naming paraan upang mabawi nila ang P190 million so the consumer ang tatamaan [at] the end of the fine,” dagdag niya.

Masaya namang inanunsiyo ng Uber Philippines na balik-operasyon na ang kanilang serbisyo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments