U.S. destroyer, PHL-flagged vessel, nagsalpukan, 7 nawawala

0
47


Nawawala ang pitong US Navy crew habang sugatan naman ang kanilang commanding officer at dalawa pang crew matapos ang naganap na banggaan ng Arleigh Birke-class guided destroyer USS Fitzgerald at Philippine-flagged merchant vessel na ACX Crystal, isang container ship, sa karagatang sakop ng Japan.

Sa isang opisyal na pahayag, sinabi ni Admiral Scott Swift, commander ng US Pacific Fleet, na nakapokus sila ngayon sa search and retrieval operations para mahanap ang mga tauhan nilang tumalon o nahulog sa dagat.

Sugatan rin sa nangyaring banggaan ang commanding officer na si Bryce Bensonna na isinugod sa US Naval hospital sa Yokosuka, Japan subalit nasa maayos nang kondisyon.

Naganap umano ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa Pacific Ocean sa layong 56 nautical miles off coast ng Yokosuka.

Ayon sa Japanese Coast Guard, ang US ship ay pinasok ng tubig subalit hindi naman ito lulubog, habang ang merchant vessel ay maayos pa ring nagbibiyahe.

Samantala, sinabi naman ni Philippine Coast Guard Spokesman Commander Armand Balilo, ligtas naman ang 20 Filipino na sakay ng ACX Crystal.

Nabatid na ang naturang cargo vessel, sa kabila na nakabase sa Pilipinas, ay chartered o nirerentahan ng NYK Line shipping company.

Galing ng Nagoya, Japan ang cargo ship at patungo sana ng Tokyo nang mangyari ang banggaan.

Sa handout photo mula sa Japan Coast Guard ay makikita ang sira ng Philippine-flagged container ship. (AFP)
Sa handout photo mula sa Japan Coast Guard ay makikita ang sira ng Philippine-flagged container ship. (AFP)

Maging ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay masusing mino-monitor ang naganap na salpukan ng dalawang barko.

Sa pahayag ng DFA nakikipag-koordinasyon na sila sa US at Japan government para makahingi ng updates na impormasyon kaugnay sa pangyayari para malaman kung may Filipino na nasawi o nasugatan sa naturang banggaan.

“We are coordinating with the relevant authorities including the governments of the US and Japan to determine exactly the extent of damage and the number of casualties, especially if any Filipino nationals are involved,” ayon sa DFA.

Iniimbestigahan na ngayon kung sino ang may pagkukulang sa naganap na banggaan.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments