TASK FORCE BANGON MARAWI, TODO-TRABAHO

0
305


DOBLE-KAYOD ngayon ang Task Forced Bangon Marawi upang maibalik sa kaayusan ang Marawi City at mabigyan ng katahimikan ang buong lungsod na ilang buwan na ring binulabog ng mga miyembro ng rebeldeng Maute Group.

Abalang-abala ngayon ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno na naatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbalik ng kaayusan at katahimikan sa Marawi City upang mabigyan ng mapayapang pamumuhay ang mga residente.

Kabilang sa mga departamentong naatasan ng Pangulo ay ang Office of Civil Defense, Department of Public Works and Highways, Armed Forces of the Philippines, Department of Education, Department of Budget Management, Department of Energy, Department of Health, Department of Information and Communication Technology, Department of the Interior and Local Government at Department of Science and Technology.

Sa pamamagitan ng pagtutulong-tulong ng mga nabanggit na tanggapan ay mas mabilis na maibabalik sa dati ang buhay ng mga residenteng labis na naapektuhan ng kaguluhan sa Marawi City at iba pang karatig-lugar.

Matatandaang noong May 23 ng kasalukuyang taon nang lusubin ng mga miyembro ng Maute Group ang Marawi City na naging dahilan upang ideklara ni Pangulong Duterte ng martial law sa buong Mindanao.

Dahil din sa kaguluhan ay maraming buhay na ang nawala kabilang na ang mga rebelde, sundalo, pulis at inosenteng sibilyan, kasama ang mga ginagawang human shield ng mga rebelde.

Bilyong halaga na rin ng ari-arian ang nawasak ng digmaan kaya abala ngayon ang gobyerno sa pagsasagawa ng plano kung paano mas mabilis na maibabalik sa dating kaayusan ang mga nasira sa labanan.

Bagama’t nakatakda na ring simulan ang pagsasaayos at paggawa ng plano upang maibalik ang kaayusan sa Marawi City, hindi pa rin pinapayagan ang mga residente na makabalik sa kanilang mga bahay dahil na rin sa posibleng naitanim na bomba ng mga terorista.

Nais kasi ng military na siguraduhin munang malinis ang mga iniwang bomba ng mga rebelde nang sa gayon ay mas maging tiyak ang kaligtasan ng mga residenteng gustong magsibalik sa kanilang mga nasirang bahay.

Sa ngayon, nais ni Duterte na mapadali ang pagsasaayos ng mga nasira sa digmaan nang sa gayon ay bumalik sa normal ang pamumuhay ng mga residente na ilang buwan na ring nahihirapan sa mga evacuation center. LILY’S FILES/LILY REYES

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments