TALO NA NAMAN ANG PUBLIKO

0
31


ISANG malaking dagok na naman ang naranasan ng taumbayan dahil sa isang ibinabang desisyon ng Court of Appeals kamakailan. Ito’y matapos sabihin ng CA 12th Division na ligal ang kasunduang pinasok ng Philippine Long Distance Telephone Company at Globe Telecoms hinggil sa pagbili nila sa halagang P70-bilyon ng telco assets mula sa San Miguel Corporation.

Sa isang 54- pahinang desisyon na ibinaba noong Oktubre 18, sinabi ng CA na ang bilihan ay aprubado base na rin sa nasusulat sa batas at dapat kilalanin ng Philippine Competition Commission. “With the subject notice being compliant with the requirements of Memorandum Circular 16-002 and there being no false material statement therein, the subject acquisition is deemed approved by operation of law and may no longer be challenged under the PCA (Philippine Competition Act),” the appeals court said.

Ang desisyon ay sinulat ni Associate Justice Ramon M. Bato, Jr. at sinang-ayunan naman nina Associate Justice Manuel Barrios at Maria Elisa Sempio Diy.

Ibig-sabihin nito ay magpapatuloy ang pamamayagpag ng PLDT at Globe bilang telecoms duopoly sa bansa. Dahil dito ay malaya nang magagawa ng dalawang kumpanya ang lahat ng gusto nila, sukdulang pinakamahal pa na rate ang singilin nila, kahit pa pinakabulok at pinakamabagal na internet service sa buong mundo ang ibinibigay nila.

Kahit pa sabihin ng lahat ng korte sa bansa na ligal ang nangyaring transaksyon sa pagitan ng PLDT at Globe ay hindi pa rin nito maitatago ang katotohanan na negosyo at hindi serbisyo ang dahilan kung bakit sila pumasok sa nasabing kasunduan. May kasabihan nga na hindi lahat ng ligal ay moral at naayon sa mabuti at kagandahang asal na itinuturo sa atin bilang mga tao at Pilipino.

Sa mga hindi nakakaalam ay nagtangka sanang pumasok sa telecoms business ang SMC ka-partner ang Australian company, para bigyan ng magandang kompetisyon ang PLDT at Globe.

Mas maganda kasi kung may kompetisyon sapagkat nahihikayat ang mga magkakalaban na pagbutihin ang serbisyo at ibaba ang presyo ng kanilang mga produkto.

Pero sa halip na tanggapin ang hamon ng SMC ay nagkampihan pa ang PLDT at Globe, para harangan at pahirapan sila gamit ang mahuhusay na bayarang abogado.

At sa huli nga, dahil sa sobrang pressure at asar, ay umatras ang ka-partner na foreign company ng SMC at doon ay napilitan silang ibenta na lang ang telco assets sa PLDT at Globe. At tulad ng dati ay nagbubunyi ang mga may-ari ng negosyo subalit talo naman dito ang publiko. OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO

loading…





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments