TAGAMASID: Walang class? –

0
35


Sa isang buwan pa magsisimula ang UAAP pero ngayon pa lang ay mainitan na ang laban sa pagitan ng kampo ng FEU at La Salle.

Kamakailan ay naglabasan sa social media ang mga litrato, video at report tungkol sa bugbugan sa pagitan ng dalawang koponan sa isang pocket tournament sa Davao.

Grabe ang mga naka-upload na video. Sayang nga lang at tapos na ang labanan sa boxing sa SEA Games sa Malaysia. Kung hindi pa, irerekomenda ko sa Philippine Olympic Committee na ang mga nagbangayang manlalaro ng dalawang koponan ang ipadala sa Kuala Lumpur. Malamang hindi lang da­lawang gintong medalya ang maiuuwi ng ating pambansang koponan.

Ang lalong mas masakit, mayroon ding report na maging ang coach ng La Salle na si Aldin Ayo ay nakisali sa rambulan. Tinangka umano nitong sakalin ang manlalaro ng FEU na si Arvin Tolentino. Pero pagkatapos ay nagkunwari umano itong pinipigilan ang bugbugan.

“Coach ka pa naman dapat role model ka. Sabay taas kamay,” ani Ryan Betia, isa sa mga assistant coaches ni FEU coach Olsen Racela, na nag-upload ng isang litrato ni Tolentino na mayroong marka sa leeg na kagagawan umano ni Ayo sa kainitan ng bugbugan.

“Wala talagang class na coach,” dagdag pa ni Betia.

Pumaimbulog sa coaching si Ayo matapos na igiya niya sa panalo ang Letran Knights noong 2015. Dahil dito ay dumating ang offer sa La Salle. Nagpa-kiyeme pa si Ayo pero nilayasan din ang Letran at tinanggap ang offer ng La Salle.

Maraming bilib sa coaching style ni Ayo pero marami din ang pumupuna sa kanya, lalo na ang mga katoto nating reporter, dahil ang hirap niyang hagilapin sa interview. Sabi nga ng isang katoto, UAAP pa lang ‘yan. Paano na kung PBA?

Siyempre, dahil siya ang coach ng La Salle, na­tural lang na panigan ni Ayo ang kanyang koponan, ang mga manlalaro. Pero ano na lang ang matututunan ng kanyang mga manlalaro? Nararapat bang makisali ka sa bugbugan at pagkatapos ay patay mali ka at popormang umaawat?

Sabi nga ni FEU athletic director Mark Molina, “When kids fight we should teach them the right path not plot a plan for them to retaliate.”

Walang class? Hindi ako ang nagsabi niyan.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments