TAGAMASID: Terorismo at isports –

0
52


Noong 1972, pansamantalang natigil ang Munich Olympics sa West Germany nang atakihin ng mga tero­rista ang tinutuluyang apartment ng mga Israeli athletes at hinostage ang ilan sa mga ito.

Marahil, nakita n’yo na sa mga documentary kung ano ang nangyari: Pinagbigyan ng German officials ang kahilingan ng mga terorista na bigyan sila ng isang eroplano para makalabas sa West Germany.

Nabigo ang plano ng West Germany na iligtas ang mga hostage dahil nagkaroon ng bulilyaso sa airport kung saan naghihintay ang eroplano na maglilipad sa mga tero­rista palabas ng West Germany.

Pero hindi duon natapos ang kuwento. Hindi pumayag ang Israel na ganuon na lang ang mangyari. Hanggang sa huli, hinanting ng mga Israeli agents ang mga terorista at isa-isang napatay ang mga ito.

Magmula noon, na­ging mahigpit na ang seguridad sa lahat ng mga venue ng Olympic Games at iba pang sports competitions.

Noong 1986 Seoul Asian Games una kong nakita ang paggamit ng mga ID kung saan malalaman ng mga organizers kung saang venue ka pumasok at kung anong oras ka pumasok at lumabas. Sobrang higpit din ang seguridad sa paligid ng iba’t ibang venues.

Naulit ito noong 1988 Seoul Olympics at maging sa mga sumunod na Olympic Games.

Napag-uusapan natin ang terorismo at isports dahil sa nangyaring pag-atake ng Maute group sa Marawi City noong gabi ng Martes.

Sa kabila ng pangyayaring ito, itinuloy ng Philippine Sports Commission at ng Davao City ang Min­danao Children’s Games kung saan kasali ang mga batang edad 12-pababa.

Hindi nagpatakot sa mga terorista ang PSC sa ilalim ng pamumuno ni chairman Butch Ramirez at ang mga opisyal ng Davao City, na siyang dapat.

Dapat makita ng lahat na hindi dapat manaig ang terorista saan man, lalong-lalo na sa isports.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments