TAGAMASID: Pirata ang dating  –

0
46


Akala ng iba, nasa heaven si coach Topex Robinson ng Lyceum nang talunin ng koponan ang defending NCAA champion San Beda noong nakaraang Biyernes sa iskor na 96-91.

Siyempre, tuwang-tuwa si Robinson pero sabi nga sa ingles, ‘grounded’ pa rin siya. Ibig sabihin, nakatapak pa rin siya sa lupa maski na nakadalawang sunod na panalo na ang kanyang koponan.

“Nobody wins a championship (in) the second game. Teams will start playing us harder. We just have to be always prepared and keep on being hungry,” aniya.

Oo nga naman, matagal pa ang labanan at marami pang puwedeng mangyari. At tama si Robinson, dahil sa panalo nilang ‘yun, markado na sila ng ibang mga koponan. Kaya inaasahan niyang magiging mas matindi ang naghihintay sa kanya at sa kanyang mga manlalaro.

Pero walang dudang ipinagmamalaki ni Robinson ang kanyang koponan ngayon pa lang.

“We’re blessed to be here right now. To play San Beda, it takes a lot of grit and perseverance. It’s not me, it’s the players. Just blessed to have these players,” aniya.

Bago pa magsimula ang bagong season ng NCAA, marami na ang nagsasabing hindi na puwedeng i-take for granted ng ibang mga koponan ang Lyceum, na tumapos na pang-anim noong nakaraang season. Ito’y maski na hindi ganoon katataas ang mga manlalaro ng koponan. Ang matinding panlaban nito ay ang palaban nitong attitude.

Iba siyempre kapag nagkakaamuyan ang mga manlalaro ng isang koponan sa laro. Para sa mga hindi nakakaalam, ang ibig sabihin nito ay alam ng bawat isa kung ano ang gagawin ng kanyang kakampi, kung saan sila pupuwesto para makarating sa kanila ang pasa, kung ano ang kanilang gagawing screen para mabigyan ng daan ang kakampi papunta sa basket, kung ano ang kanilang gaga­wing pag-box out sa mga kalaban, kung ano ang kailangan nilang gawin para manalo.

Hindi na bago sa coaching si Robinson. Kung baga sa isang manok na pang-sabong, mahaba na ang tahid. Alam kung ano ang lakas at kahinaan ng kanyang koponan at kung papaanong igigiya ang kanyang koponan para mapagtakpan ang kahinaan nito.

Sabi nga ng isang katoto, pinasok ng Pirates ang Lion’s Den at lumabas na buhay na buhay, matagumpay at puro nakangiti pero alam na dahil sa panalong ‘yun ay mayroon na silang malaking target sa kanilang likod. Piratang-pirata ang da­ting.

Pero tama si Topex, mahaba pa ang labanan at marami pang pagsubok na daraanan ang kanyang mga pirata.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments