Sylvia Sanchez, sasayaw ng hip hop; #HanggangSaanAngSimula, trending agad

0
28


HINDI pa man nagsisimulang umere ang pilot episode ng teleseryeng Hanggang Saan, nag-trending na agad kahapon ang  #HanggangSaanAngSimula pagkatapos ng mainit na pinag-uusapang Miss Universe 2017 at ang nanalong si Ms. South Africa.

Paanong hindi magtre-trending, eh, minu-minuto ang post ng buong pamilya’t mga kaibigan ni Sylvia Sanchez na abangan ang pagsisimula ng Hanggang Saan bukod pa sa personal nitong post sa social media account niya.

Kaya lahat ng supporters ng The Greatest Love ay talagang inaabangan ang Hanggang Saan na bago nilang mamahaling programa bilang si Nanay Sonya.

Samantala, ngayong gabi gaganapin ang ABS-CBN Trade Launch para sa mga bagong programa nila sa last quarter ng 2017 at simula ng 2018 at kasama nga ang Hanggang Saan at isa ang bida ng serye na si Sylvia sa may production number.

Ayaw pang banggitin sa amin ng aktres kung anong sasayawin niya, pero may nagsabing hip-hop, wow, hebigat, si Mama Gloria este Nanay Sonya sasayaw ng hip-hop?

Natatawa nga rin ang aktres sa sarili niya dahil kung kailan siya tumuntong ng 46 ay at saka siya sasayaw ng hip-hop.

Sabi nga rin namin ay ‘pabalik o paatras’ ang nangyayari ngayon sa career ni Ibyang at higit sa lahat, buma-bagets ang beauty niya ngayon parang walang anak na 28 years old.

Hindi naman kami kinakabahan sa pagsayaw ng aktres dahil maning-mani sa kanya ‘yan dahil sumasayaw talaga siya kaya nga magagaling din sumayaw ang lahat ng anak niya dahil namana rin sa kanya bukod sa husay niya sa pag-arte.

Sabi ng aktres, “hindi ako nenerbiyosin sa pag-sayaw, mas ninenerbiyos ako sa bago naming teleserye, siyempre nakakakaba kung magugustuhan ng tao o hindi. Kung tulad din ba ito ng ‘TGL’ kasi iba-iba naman ang gusto ng tao, hindi mo makakapa.

“Pero sinisigurado kung gaano minahal si Mama Gloria, mamahalin din nila si Nanay Sonya bilang ina at kung ano ang kaya niyang gawin para sa mga anak.”

Bukod kay Sylvia, kasama rin sa Hanggang Saan sina Arjo Atayde, Yves Flores, Maris Racal, Ariel Rivera, Teresa Loyzaga, Ces Quesada, Jun Jun Quintana, Viveika Ravanes, Rubi-Rubi, Nikko Natividad, Mercedes Cabral, Sue Prado, Maila Gumila, Rommel Padilla, Sue Ramirez at marami pang iba mula sa GMO unit at sina Jeffrey Jeturian at Mervyn Brondial ang mga direktor.

ROBIN, INI-REQUEST
NI SHARON PARA
SA UNEXPECTEDLY YOURS

NGAYONG gabi ang premiere night ng pelikulang Unexpectedly Yours at sigurado kaming kulang ang Cinema 7 ng SM Megamall sa rami ng supporters nina Robin Padilla, Joshua Garcia, Julia Barretto, at Sharon Cuneta na dadalo dahil maraming nasabik sa kanila pagkalipas ng 16 years.

Hindi na kami makikigulo sa premiere night, ‘di ba Ateng Maricris, bukas, Nobyembre 29 sa 1st day of showing na lang tayo manonood para mas lalo tayong mag-enjoy kaya tawagan mo na ang buong tropa, he, he, he.

Samantala, sa ginanap na presscon ng Unexpectedly Yours ay ikinuwento ni Robin kung paano siya inalok sa pelikula.

Aniya, “hindi ko naman talaga pelikula ito eh, pelikula nina Sharon at Gabby (Concepcion) ito.  

“Kasi dinadala ko ‘to, ang istorya ay iyon ang nakarating sa akin, marahil hindi iyon ang nakarating sa ‘yo (Sharon). Sabi sa akin, kailangan mo ako. Totoo, walang halong kasinungalingan ‘yan.”

Nabanggit ng aktor na abala siya dahil may dalawang pelikula siyang isinu-shoot, “‘yung ‘Bad Boy 3’ at ‘yung ‘Marcelo del Pilar’ sa sarili kong produksiyon.

“Tinawagan ako ni Ms Malou (Santos), ang sabi niya, ‘kailangan ka ni Sharon. ‘Yan ang totoo!”

At kaya pala napasok sa eksena si Binoe ay dahil tinanong si Sharon kung sino ang gusto niyang maging leading man.

“Tinanong kasi ako, sabi sa akin, ‘sino ngayon ang gusto natin (leading man), ito, si ganito o si ganyan,” kuwento ng aktres.

Sabay tanong ni Robin, “sinong sinabi mo?” 

“Robin!” say kaagad ng Megastar.

Napangiti ang aktor at sabay sabing, “O, ‘di lumabas ang katotohanan, hindi ko pelikula ang unang pinag-usapan, noong sumulpot na po, riyan lumabas si ma’am Vanessa (Valdez-writer). Roon po sila gumawa ng konsepto para sa amin (with Sharon). ‘Yun po ang istorya, hindi ‘yung si Gabby ang gaganap nito (Cocoy).

“Ako lang ang makagaganap nito! Sa lahat ng inibig mo, ako lang ang makakaganap nito! (hiyawan ang tao sa Dolphy Theater). Kahit mapanood ninyo ang pelikula, si Robin lang ang makagagawa nito, ‘’yung mayabang dito (role), walang makakaganap ng ganyang kayabang, ‘yun po ang istorya.”

Ang Unexpectedly Yours ay mula sa Starcinema na idinirehe ni Cathy Garcia-Molina.

FACT SHEET
ni Reggee Bonoan





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments