SSS NAIS IMBESTIGAHAN NG KAMARA

0
19


NAIS imbestigahan ng mababang kapulungan ng Kongreso ang naganap na iregularidad sa Social Security System na kinasasangkutan ng apat na matataas na opisyal nito.

Kuwestiyunable umano ang pagkuha ng mga ito ng share of stock sa open market.

Ayon kay House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman, Congressman Ben Evardone, dapat na mapatunayan kung nagamit ng naturang apat na matataas na opisyal ang SSS para sa kanilang pangsariling interes sa pagkuha ng mga ito ng stock transactions.

Base kasi sa lumalabas na balita, ginamit umano ng mga opisyal na sina Rizaldy Capulong, Reginald Candelaria, Ernesto Francisco at George Ongkeko ang SSS para makakuha ng impormasyon sa trading ng kanilang sariling stocks.

Dahil dito, malinaw umano na may pananagutan sa batas ang mga naturang opisyal dahil kumita ang mga ito para sa sariling interes habang nawalan naman ng oportunidad ang SSS para kumita.

Kapag natuloy ang pag-iimbestiga ng kamara ay ang House Committee on Good Government and Public Accountability ang aatasan na magsagawa ng imbestigasyon.

Hiling din ng ilang miyembro ng mababang kapulunan ng kongreso na i-freeze ang asset ng mga opisyal ng SSS na sangkot sa kontrobersiya at isailalim ang mga ito sa lifestyle check.

Matatandaang isiniwalat ni SSS Commissioner Jose Gabriel La Viña ang kontrobersiyal na aksyon nina Capulong, Candelaria at Francisco habang si Ongkeko naman ay inireklamo sa hindi nito pagkumpleto sa records ng tatlong opisyal.

Magiging kaabang-abang ang gagawing imbestigasyon ng kamara sakaling matuloy ito dahil napakaraming Pilipino na miyembro ng SSS ang gustong malaman ang katotohanan sa isyung ito dahil pera nila ang nakasalalay dito.

Sa halip kasi na alagaan ng mga opisyal ang kanilang mga naihulog na contributions ay nagagamit pa ito sa kalokohan kaya’t may karapatan ang mga SSS members na malaman ang katotohanan sa usaping ito.

Mabuti na lamang at mayroong isang opisyal ng SSS sa katauhan ni La Viña na nangangalaga sa interes ng mga miyembro na handang isiwalat ang kanyang mga madidiskubreng kalokohan sa naturang government institution. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO

loading…





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments