‘Singil sa kuryente, maaaring lumobo dahil sa reporma sa buwis’

0
31



Nagbabadyang magmahal ang singil sa kuryente kapag tuluyang naipasa at naging batas ang inaprubahang panukala na dagdag-buwis sa coal.

Nakapaloob ang nasabing probisyon sa tax reform bill na ipinasa ng Senado. 

Aminado ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na sapul ang mga karaniwang konsumer at industriya ng kuryente kapag itinaas ang buwis sa coal.

Karamihan kasi sa mga kooperatiba ng kuryente’y kinukuha ang suplay nila sa coal-fired power plants.

“Maaaring umabot siya sa isang sentimo per kilowatt hour o mas malaki pa, depende sa kung gaano kalaki ang suplay na kukunin [sa coal plants],” ani Rexie Baldo-Digal, tagapagsalita ng ERC.

Mula P10, gagawing P100 hanggang P300 ang buwis nito kada metric ton simula 2018.

Maaari din umanong tumaas ang singil ng Meralco.

Nangangamba naman si Energy Secretary Alfonso Cusi na baka hindi na makaakit ng investors ang Pilipinas kapag tuluyang nagmahal ang singil sa kuryente.

‘Leader with a heart’

Samantala, matapos mawala ng pitong taon sa gobyerno, bumalik si Agnes Devanadera bilang bagong pinuno ng ERC. 

Si Devanadera’y dating solicitor general at kalihim sa Department of Justice.

Sa susunod na linggo opisyal na uupo sa puwesto si Devanadera pero dumalo na siya sa en banc session ng ERC nitong Martes.

“I have prepared myself for work, work, work … I can say that I’ll be a chairman with a heart,” ani Devanadera.

Bilang pinuno ng ERC, haharapin ni Devanadera ang mga isyu gaya ng singil sa kuryente at kontrata ng Meralco na hindi umano dumaan sa bidding.

“Ako naman ay isa ring consumer so pag-usapan natin nang nakaupo and let’s be open,” ani Devanadera. 

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments