Singil sa kuryente, bababa; dagdag-singil sa tubig, inihihirit

0
86



Madaragdagan man ng P0.02 kada kilowattHour (kWh) ang singil sa kuryente buwan-buwan simula Hulyo, makararamdam pa rin ng pagbaba sa kabuuang electricity bill dahil sa pagpatak ng ikalawang bugso ng refund na P0.79/kWh ng MERALCO. 

Samantala, humirit naman ng dagdag-singil ang Maynilad at Manila Water, ngunit hindi na ito aabot sa bill para sa Hulyo.

Sa loob ng 29 na buwan simula Hulyo, magkakaroon ng P0.02/ kwH na dagdag-singil sa kuryente dahil papasok na sa mga buwang iyon ang sinisingil ng Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) na P1.69 bilyong utang ng MERALCO.

Ang utang na ito ay bahagi ng sinisingil ng PEMC na P2.9 bilyon mula sa lahat ng distribution utilities at electric cooperatives sa Luzon at Visayas na bumili ng kuryente sa spot market mula 2012 to 2015. 

Nilinaw naman ng MERALCO na kahit may idadagdag na P0.02/kWh, makararamdam pa rin ng pagbaba sa kabuuang bill dahil sa pagpatak ng ikalawang bugso ng refund na P0.79/kWh.

Hinihintay na lamang ang generation charge para sa July billing na malalaman sa katapusan ng buwan ng Hunyo upang malaman ang kabuuang sisingilin sa Hulyo. 

Ang kailangan na lamang bantayan ay ang September bill kung kailan magtatapos ang 3 buwang refund, ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng MERALCO.

Dagdag-singil sa tubig, inihihirit

Humihirit naman ang Maynilad at Manila Water ng dagdag-singil dahil naaapektuhan ng palitan ng piso kontra dolyar, yen, at euro ang utang ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System at concessionaires. 

Ayon sa mga sources sa industriya, dagdag na P0.29/cubic meter ang inihihirit ng Maynilad, habang nasa P0.07/cubic meter naman ang petisyon ng Manila Water.

Gayunpaman, hindi na maihahabol pa ang dagdag sa paparating na bill sa July 1 dahil kailangang ilabas sa publiko ang naaprubahang dagdag-singil 15 araw bago ito ipatupad.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments