SALAMAT SA LUMALABAN SA TOKHANG FOR RANSOM

0
73


HINDI maubos-ubos ang tokhang for ransom ng mga pulis.

Kahit naging impiyerno ang buhay ng ilang pulis sa nakaraang mga tokhang for ransom, patuloy pa ring ginagawa ito.

Lumalabas na lulong sa pera-pera ang mga pulis at gusto ng mga ito ng milyones na salapi.

Hindi sila kontento sa kanilang sahod na, ayon, kay Philippine National Police chief Roland ‘Bato’ dela Rosa, ay malaki na.

Naglalaro na sa P30,000 ang pinakamababang sahod ng mga pulis.

P1M RANSOM

Pinakahuling kaso ng tokhang for ransom ang ginawa ng limang pulis sa Sta. Rosa, Laguna na sina PO3 Troyluss Ambrocius Yideso, PO3 Warren Ryan Carpena. PO2 John Alicbusan, PO1 Glecerio Cruzen, at PO1 Clayson Benabese.

Unang isinumbong ang mga ito sa Laguna provincial police intelligence branch at positibong kinilala ni Rommel dela Cruz at asawa nito.

Matapos masampahan ng kaso ang mga ito sa Office of the Ombudsman, agad na dinala ang mga ito sa holding unit ng Laguna Provinical Police.

Bukod sa kasong kriminal na nakasampa na sa Ombudsman, kakasuhan din ang mga ito ng kasong administratibo upang agad na masibak sa serbisyo ang mga ito sakaling mapatunayang nagkasala nga.

NAKATATAKOT

Nakatatakot ang pinaggagawa ng mga iskalawag na pulis na ito.

Unang hinarang ang sasakyan ng mga pulis ang sasakyan ng mga biktima malapit sa Robinson’s Place sa Sta. Rosa at dinala ang mga ito sa slaughter house o katayan ng mga hayop sa JB Village, Brgy. Balibago, Sta. Rosa.

Ilang oras na pinigil an mga ito at pinilit na bigyan ang mga pulis ng P1-milyon bilang kapalit ng kanilang buhay.

Binantaan ang mga ito na papatayin at pagmumukhaing sangkot sa droga at nakumpiskahan ng paraphernalia.

‘Yun bang === palalabasin ng mga pulis na lumaban ang mga ito kaya tinodas.

Habang pinipigil ang mga ito, sinasamsam din ng mga pulis ang kanilang P37,000 na cash, P12,000 halaga na hikaw ni misis, dalawang cellphone, dalawang sunglasses at bag na nagkakahalaga ng P50,000.

HINDI NAKUNTENTO

Talagang ‘yung tumiba ng malaking salapi ang gusto ng mga anak ng putakting ito.

Dahil sa tuloy-tuloy na banta sa buhay ng mga biktima, tumawag na si misis sa isa nitong kasosyo sa negosyo na nagpaluwal naman ng P215,000 at idineposito ito sa kanyang account.

Makaraang makumpirma ito ng mga tokhang for ransom police, pinakawalan na ang mag-asawa at binilinang ibigay ang kakulangan sa mga susunod na araw.

IPAGLABAN

Nagpapasalamat tayo, mga Bro, na mas pinili ng mag-asawang Dela Cruz ang lumaban kaysa manahimik na lamang sa nangyari sa kanila.

Kung hindi ay mananatili sa kanilang gawain ang mga pulis na nabanggit.

Magpapatuloy ang mga ito sa kanilang pag-tokhang for ransom at marami pa ang kanilang pipinsalain.

Itong ganitong paninindigan ang hinahanap mismo ng ating pamahalaan, lalo na ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Hindi malilinis ang gobyerno nang walang tulong o aksyon mismo ng mga mamamayan.

Bilin nga ni Pang. Digong, mag-ingay, mag-iskandalo kayo para mapansin ng iba at makagawa na rin ng aksyon ang mga kinauukulan.

KABAWASAN

Maliit man ang bilang ng mga iskalawag na ito, sinisira ng mga ito ang buong kapulisan na nagsisikap na paglingkuran at proteksyunan ang bayan mula sa mga kriminal sa pamahalaan at ordinaryong kriminal.

Ang pagpapakita ng mag-asawa ng tatag ng loob na lumaban ay isang malaking hakbang para mabawasan ang mga kriminal mula sa hanay ng pulisya.

Maihahalintulad ang ginawa ng mag-asawa sa ipinakita na tapang ng misis na Koreano na ang asawa’y tinokhang for ransom din sa loob mismo ng Camp Crame.

Pinatay na si Jee Ick-Joo sa Camp Crame, ibinuhos pa sa kubeta ang abo nito makaraang itong sunugin sa isang punerarya sa Caloocan City.

At ngayo’y nakakulong nahaharap sa kaukulang kaso ang mga pulis na sangkot dito.

Noong Mayo 2017, may pitong Malabon police ang nanokhang for ransom din sa isang alyas Norma at hiningan ito ng P2M na ibinaba sa P1M.

Nahuli sa ng Police Counter Intelligence ang apat sa mga ito na sina Senior Police Office 2 Ricky Pelicano, PO2 Wilson Sanchez, PO1 Joselito Ereneo, at PO1 Frances Camua.

Hindi natin alam kung nauli na ang anim iba pa.

Muli, nagpapasalamat tayo sa katulad ni “Norma” na nagkaroon din ng lakas ng loob na magsalita para mabawasan nang husto ang mga buang na ito.

oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments