SA LIKOD NG MGA BALITA: Kailangan ng bagong DNA test kay ‘Kulot’

0
108


Hindi nga ba si Reynaldo de Guzman alias ‘Kulot’ ang bangkay na natagpuan sa Kinama­tayang Kabayo Creek sa Barangay San Roque, Gapan City, Nueva Ecija noong Setyembre 5?

Hindi raw, ayon sa Philippine National ­Police (PNP), na ­gumawa ng DNA test upang tiyakin ang pagkakakilanlan ng natagpuang bangkay.

Nagkamali raw ang mga magulang ni Kulot na sina Eduardo Gabriel at Lina de Guzman dahil maga na ang katawan nang kanilang makita.

Siya iyun, ayon naman sa Public Attorney’s ­Office (PAO), batay sa pagkakakilala ng mga magulang sa bangkay at pagkakatugma ng mga larawan ni ­Kulot at iba pang marka nito sa katawan, tulad ng kulugo at peklat, sa itsura ng biktima.

Huling nakitang buhay si Kulot na kasama si Carl Angelo Arnaiz, 19, isang mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas, noong Agosto 17. Lumabas raw sila sandali sa tirahan ni Arnaiz upang bumili ng ­tsitsirya. Hindi na sila nakabalik.

Napatay si Arnaiz dahil nakipagbarilan raw siya sa mga pulis matapos mangholdap kay Tomas ­Bagcal, 54, isang tsuper ng taxi.

Nagtamo ng apat na tama ng bala sa dibdib at isang tama ng bala sa kanang kamay ang katawan ni Arnaiz, na nakitaan rin ng mga marka ng tortyur.

Nagtamo naman ng halos 30 saksak ang katawan na napangalanang si ­Kulot, at binalutan ng tela at packaging tape ang ulo nito.

Ayon sa PNP, abot hanggang 99.99 porsyento ang katumpakan ng kanilang DNA test. Ayon naman sa PAO, nagkamali sa pagkuha ng specimen sa ­bangkay ang PNP.

Kung hindi si Kulot ang bangkay na nakaburol ngayon sa isang punerarya sa Barangay San Andres, Cainta, Rizal, sino siya? Bakit pinatay ang batang ito sa karumal-dumal na paraan, at sino ang gumawa? Wala namang naiulat na nawawalang 14 anyos na bata na tugma sa itsura ng nakaburol.

Mapagkakatiwalaan ba ang DNA test na ­ginawa ng PNP? Kadalasan raw ay inaabot ng dalawang linggo ang test na ito bago ito makumpleto.

Bakit napa­kabilis ng pagkumpleto ng DNA test ng PNP sa bangkay na tinaguriang si Kulot? Bakit inabot lang ito ng anim na araw matapos makuha iyung ­bangkay?

Napaghihinalaan ang PNP na posibleng guma­gawa ng palpak na DNA test dahil sangkot ang mga tauhan nito sa mga extrajudicial killing (EJK) kaugnay ng madugong digmaan kontra droga ng pamahalaang Duterte. At pinaghihinalaang EJK ang pag­patay kina Arnaiz at Kulot.

Dapat suriing mabuti iyung ginawang DNA test ng PNP upang makumpirma kung mapagkakatiwalaan nga ang resulta nito.

Bukod pa rito, dapat dinggin ng pamahalaan ang panawagan ng ama ni Kulot na ulitin ang DNA test ng isang mapagkakatiwalaang ahensya na bihasa sa gawaing ito upang makumpirma kung si Kulot nga ang natagpuang bangkay.

Kung hindi si Kulot ang bangkay, dapat alamin agad ng PNP kung sino siya, bakit siya pinatay at sino ang gumawa.

Dapat hulihin, ikulong at litisin ang may sala, at hindi hayaang maging bahagi lang ng kagimbal-gimbal na estatistiko ng mga patayan ang biktimang ito.

Bukod pa rito, dapat ring hanapin ng PNP si ­Kulot o ang kanyang bangkay. Iyan ay kung tumpak ang resulta ng DNA test nila.

Email: daniel.agoncillo.@outlook.com



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments