SA LIKOD NG MGA BALITA: Ang Daddy kong si Joe

0
39


Hindi naman siya Kano. Ngunit napagkamalan siyang Amerikano noong sanggol pa lang siya dahil sa kanyang kutis at sa tangos ng kanyang ilong.

Jose ang ipinangalan kay Daddy, na ipina­nganak sa Taal, Batangas noong Marso 5, 1937.

kaapat siya sa siyam na anak nina Angel at Justina Agoncillo. Joe ang tawag sa kanya ng mga katrabaho niya sa industriyang insurance. Pepe naman ang tawag sa kanya ni Lolo Angel, Lola Justina at mga nakatatandang kapatid, habang Kuya o Tiyo Pepe ang tawag sa kanya ng mga nakababatang kapatid at mga pamangkin. Dads Pepe ang tawag sa kanya ng kanyang pitong apo.

Kilala siyang imbestigador ng non-life claims ng mga insurance company. Noong kasikatan niya, malusog ang kanyang pangangatawan at matikas ang kanyang pananamit. Kamukha niya si Jack Lord, ang aktor na gumanap na Steve McGarrett sa teleseryeng ‘Hawaii Five-O.’

May panahon na sabay-sabay niyang hawak ang mga kaso ng tatlong magkakaibang kompanya at nakapagtayo pa siya ng sarili niyang claims adjusting company. Naging bise presidente pa siya ng isang sikat na insurance company. Kahit hindi siya abogado, dahil kabisado niya ang mga batas sa insurance, attorney ang tawag sa kanya sa korte kung saan may mga hearing tungkol sa mga kasong iniimbestigahan niya.

Noong 20 taong gulang pa lang siya, ikinasal si Daddy kay Mommy, na 19 lamang.

Ipinanganak ako noong taon ring iyon. Sa loob ng 58 taon ng kanilang pagsasama, pinagsilbihan ni Daddy si Mommy at walang naging ibang babae para sa kanya.

Sa pagdidisiplina ng mga magulang sa mga anak, may gumaganap sa papel na ‘good cop’ at ‘bad cop.’ Kadalasan si Daddy ang good cop. Mabait kasi siya sa akin at sa kaisa-isahan kong bunsong kapatid na si Manny. Bihira siyang magalit at mamalo, ngunit sa ilang pagkakataon, nakakatikim kami ng mga matitinding hampas ng kanyang sinturon sa aming puwet.

Matiyaga at masipag siyang ama. Naalala ko na minsang nadapuan ako ng matinding lagnat noong musmos pa ako, isinakay niya ako sa kanyang likod at hinatid papuntang ospital at pabalik ng bahay namin sa Project 4, Quezon City.

Hikain ako noong maliit pa, kaya sa payo ng doktor, halos araw-araw dinadala niya ako sa Luneta ‘pag madaling-araw para makasagap ng sariwang hangin. Nakatulong ito sa pagtanggal ng aking hika sa edad na pitong taong gulang.

Noong musmos pa ako, pag-uwi niya mula sa trabaho, binabasahan niya ako ng mga kuwentong pambata at dito napukaw ang interes ko sa pagbabasa. Kaya noong kindergarten pa lang ako, marunong na akong magbasa ng libro. At madalas niya akong binibili ng mga mystery, suspense at detective thriller na pareho naming hilig basahin.

Magaling siyang gumuhit at ‘pag hinihiling ko, ginagawan niya ako ng mga drawing ng mga paborito kong bayani sa comics tulad nina Superman at Batman.

Madalas ‘pag may okasyon, sinasama kami nina Daddy na mag-picnic sa Luneta, Manila Zoo o Fort Santiago, mag-beach malapit sa siyudad ng Olongapo o manood ng sine.

Hindi siya agad nakapagtapos ng kolehiyo dahil maaga siyang nag-asawa. Naging working student siya. Hindi siya sumama sa mga rally noong ‘First Quarter Storm,’ ngunit naging editor-in-chief siya ng pahayagan ng mga mag-aaral ng Technological Institute of the Philippines. Ipinakita niya noon sa akin iyung mga ginawa niyang editorial, opinion column at editorial cartoon na bumabatikos sa mga patakaran ng diktador na si Ferdinand Marcos, at ang panayam niya kay Dr. Nemesio Prudente, noo’y pangulo ng Philippine College of Commerce (Polytechnic University of the Philippines).

Ngunit ‘di na siya nakapalag sa nakabibinging katahimikan na sumalubong sa amin noong idineklara ni Marcos ang Martial Law. “Hindi ko siya gusto pero masyado nang magulo ang ating lipunan. Baka tama ang ginagawa ni Marcos,” sabi niya sa akin.

Tuwing bakasyon namin sa eskwela noong mga unang taon ng Martial Law, tinuruan niya kami ni Manny ng chess, basketball, Game of the Generals, boksing at swimming. Madalas din kaming maglaro ng Monopoly at Gin Rummy.

Tinuloy niya ang pag-aaral niya sa MLQ University. Doon siya nagtapos ng B.S. Commerce at naging salutatorian siya ng klase.

Noong naging editor ako ng pahayagan ng mga mag-aaral ng San Sebastian College High School, si Daddy ang nagturo sa aking magsulat ng balita at opinyon. ‘Pag masyado akong nahihirapan, siya na ang gumagawa.

Laking takot niya noong naging aktibista ako sa kolehiyo at sinubukan niya akong ipasok sa Kursilyo para maligtas ako sa kapahamakan. Hindi siya nagtagumpay dito. Ngunit naging kasama ko na siya sa kasagsagan ng mga rally matapos mapatay si Ninoy Aquino, lalo na noong EDSA People Power Revolution.

Hindi naging madali ang tatlong huling dekada ng buhay ni Daddy. Dahil sa ilang maling desisyon, biglang humina ang kita niya sa kanyang hanapbuhay at bumagsak ang dating maganda niyang pangangatawan. Hindi naman mabisyo si Daddy, ngunit na­ging mahina ang kanyang baga. Sinusubukan namin siyang tulungan ng aking kapatid, bagama’t hindi ito naging madali dahil hindi rin ganoon kalakas ang kinikita namin.

Sa panahong ito inalagaan ni Daddy si Lola Lu­ding, ang nanay ni Mommy, at ang ilan sa kanyang mga apo.

Nabalian siya ng balakang noong nakalipas na taon, at tuwing bumibisita ako sa kanya sa ospital, dinadalhan ko siya ng mga dyaryo at napag-uusapan namin ang laman ng balita.

Naka-wheelchair na siya, at kailangang operahan ang isa niyang tuhod para muli siyang makalakad. Pagtutulungan sana namin ito ng aking kapatid.

Ngunit traydor ang sakit na pneumonia. Noong madaling-araw ng Huwebes, Agosto 24, natagpuan siya ni Mommy na nakaratay sa sahig at hirap nang huminga. Humabol ako sa ospital kung saan siya tinakbo, ngunit halos wala na siyang malay at naka-life support noong nadatnan ko siya. Pagpatak ng 6:40 p.m., pumanaw na siya.

Naipasa na ni Daddy ang huling pagsusulit ng buhay. Ngunit wala namang exempted sa pagsusulit na ito. Kaya alam ko na balang araw, magkikita ka­ming muli.

Email: daniel.agoncillo.@outlook.com



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments