SA LIKOD NG BALITA: ‘Ito Ang Diktadura’

0
109


Ano nga ba ang diktadura? Papaano malalaman kung diktadura ang umiiral sa isang bansa? At anong uri ng buhay ang mayroon sa ilalim ng diktadura?

Pinapaliwanag ang usaping ito sa isa sa mga librong inilunsad ng Adarna House, isang batikang limbagan ng mga aklat pambata, sa Gateway Mall nito lamang Lunes, Hunyo 12, Araw ng Kalayaan.

Sinalin sa Pilipino mula sa wikang Kastila ang aklat na pinamagatang “Ito ang Diktadura”. Sinulat ito ng Kastilang manunulat na si Equipo Plantel at iginuhit ng Kastilang ilustrador na si Mikel Casal.

Unang inilabas ang aklat noong 1977, matapos mamatay ang diktador ng Espanya na si Francisco Franco at habang unti-unting ipinatutupad ang demokrasya sa bansang ito. Naging usapin ang librong ito sa mga Pilipinong nakatutok sa Facebook dahil kasama sa mga iginuhit na mukha sa mga pahina nito ang kauna-unahang diktador ng Republika ng Pilipinas na si Ferdinand Marcos.

Simple at malinaw ang mga sagot ng libro sa mga katanungan ng mga bata na ‘di bababa sa 10 taong gulang ukol sa maselang usaping ito. Nakikita ng may-akda ng “Ito ang Diktadura” at ng Adarna House na napapanahon pa rin ang nilalaman ng aklat magpasahanggang ngayon, kung kailan diktadura ang umiiral sa ‘di bababa sa 36 na bansa sa buong mundo, at may panganib na madagdagan pa ang bilang ng mga ito.

Aniya, “parang pagdidikta ang diktadura: Sinasabi ng isang tao kung ano ang dapat gawin at sinusunod naman ito ng iba, para lamang sa kapakanan ng pagsunod.”

“Ang taong nagdidikta ang siyang namumuno. Siya ang panginoon ng lahat dahil hawak niya ang LAHAT.”

“Ginugugol (ng diktador) ang kanyang araw sa pagdidikta: Nagdidikta siya ng batas. Nagdidikta siya ng parangal. At nagdidikta siya ng mga parusa.”

Pintado ng aklat ang buhay sa ilalim ng diktadura. “Hindi ka maaaring mag-isip para sa iyong sarili sa ilalim ng diktadura. Maaari mo lamang isipin kung ano ang pinahihintulutang isipin ng diktador.”

“Iyong mga hindi sang-ayon ay itinuturing na mali at itinatrato nang masama. At iyong bukod sa hindi sang-ayon ay NAGSASALITA PA, ay nabubuhay ng mas malala.” Dagdag pa ni Plantel: “Kinakaibigan ng iilan ang diktador dahil nakakabuti ito sa kanila. Ipinagtatanggol nila ang diktador: dahil hinahayaan ng diktador ang mayaman na lalo pang yumaman.”

“Batas din ang diktador (dahil siya lamang ang gumagawa ng batas). At siya rin ang katarungan (mga kaibigan niya lamang ang maaaring maging hukom). Nais din niyang pamunuan ang militar, ang mga pamantasan… ang mga pabrika, bukid at tanggapan… Sinasabi niyang mas mabuti ang ganito dahil ang mga pamayanan, bayan, siyudad at ang buong bansa ay payapa nang ganito; dahil walang nagrereklamo at walang lumalaban.”

Ngunit gaano man katagal umiral ang diktadura, mayroon rin itong katapusan, ayon kay Plantel. “Natatapos lamang ang diktadura kapag pumanaw ang diktador (minsan dahil pinaslang siya). O kung sapilitan siyang pinaalis sa puwesto. At agad-agad, kapag natapos na ang kuwento ng diktadura, nagsisimula naman ang kuwento ng… KALAYAAN.”

Kasama rin sa mga tampok na librong inilunsad ng Adarna House ang “Mga Uring Panlipunan” na sinulat rin ni Plantel at iginuhit ni Casal. Dito ipinapaliwanag sa simple at malinaw na paraan ang hidwaan sa pagitan ng mayaman at mahirap, ang kalagayan ng panggitnang uri o middle class at ang inaasam na pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao sa isang kulturang kumikilala sa kanilang mga karapatan.

Ipinakilala rin sa iba pang mga aklat pambata na inilunsad ng Adarna House ang tatlong bayani ng rebolusyong Pilipino. Sino nga ba iyung lakambini na tinuruan ng isang batang sundalo na maging bihasa sa paggamit ng riple at rebolber? Sino naman ang bayani na palaging mahaba ang buhok dahil wala siyang perang pambayad sa barbero? At sino naman iyung tahimik at walang imik na batang madalas nakasubsob ang ilong sa pagbabasa ng makapal na libro?

Para sa mga batang ‘di bababa sa siyam na taong gulang “Ang Lakambini at Ako” at “Ang Kaibigan kong si Mabini” ni Becky Bravo, at “Ang Mara­ming Ngalan ni Emilio” ni Weng Cahiles.

Para sa mga susunod na henerasyon na magmamana ng bayang Pilipinas at sa kanilang mga magulang ang mga aklat na ito. Sa Araw ng Kalayaan, mainam na maalala na nasa mulat na kabataan na may kamalayan ukol sa kanilang pinangga­lingan, kasalukuyan at paroroonan ang pag-asa ng Pilipinas at ng lahing Pilipino. Ito ang pinakamabisang sandata laban sa karimlan na unti-unting bumabalot sa ating bayan.

Maaaring tumungo sa adarna.com.ph o sa facebook/pg/adarnahouseonline para sa karagdagang impormasyon ukol sa mga aklat na ito.

Email: daniel.agoncillo.@outlook.com



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments