SA LIKOD NG BALITA: Bagong death squad sa Bulacan

0
71


Mabilis at mabagsik. Hindi na kailangan ng imbestigasyon dahil sayang ang pagod at pera. Basta’t napaghinalaan, patayin.

Ganito na nga ba ang nagiging patakbo ng hustisya sa ilalim ng pamahalaang Duterte? Ito ngayon ang nangyayari sa probinsya ng Bulacan, kung saan tatlo sa limang suspek sa pagpatay sa isang nanay, ang tatlo niyang anak at ang kanyang biyenan, ang tinodas ng mga armadong taong nakamaskara, lulan ang isang puting van na walang plate number.

Hanggang ngayon, nawawala at hinihinalang napatay na rin si Alvin Mabesa, isa pang suspek sa tinaguriang Bulacan massacre. Sa karatula na inilagay sa isa sa mga bangkay, nagpakilala ang grupong pumapatay bilang “BDS.”

Hindi na bago ang death squad sa Pilipinas. Mula 1998 hanggang 2011, pumatay ng 1,424 katao na pinaghinalaan ng iba’t ibang krimen ang tinaguriang Davao Death Squad (DDS) sa siyudad ng Davao sa probinsya ng Davao del Sur. Kasama sa pinatay ang 132 na bata, at ang mga pinakabata sa mga biktima ay isang 12 taong gulang na lalaki at 15 taong gulang na babae. Kasama rin sa mga biktima ng DDS ang 14 na napagkamalan lamang at wala talagang kasalanan.

Mula naman 2007 hanggang 2013, pumatay naman ng aabot sa 300 katao ang tinaguriang Tagum Death Squad (TDS) sa siyudad ng Tagum, probinsya ng Davao del Norte, isang oras lang ang layo sa siyudad ng DDS.

Lumabas sa imbestigasyon ng Human Rights Watch at mga empleyado ng Simbahang Katoliko sa Davao na may basbas ng mga pamahalaan at kapulisang lokal ang mga pagpatay na ginawa ng dalawang death squad. Hanggang ngayon, wala pa ring nahuhuli at napaparusahan para sa mga pagpatay na ito.

Noong una siyang iharap ng mga pulis sa media, sinabi ni Carmelino Ibañes, 26, isang karpintero at unang suspek sa Bulacan massacre, na mag-isa siya noong kanyang pinatay sa pamamagitan ng pagsaksak sina Estrella Carlos, 28; ang biyenan niyang si Auring Dizon, 58; at mga anak na si Donny, 11; Ella, 7; at Dexter Jr., 1.

Nangyari ang krimen sa tahanan ng mga biktima sa Barangay Sto. Cristo, San Jose del Monte noong madaling-araw ng Martes, Hunyo 27. Natagpuan ang kanilang mga bangkay ni Dexter Carlos, security guard at asawa ni Estrella.

Ngunit nagbago si Ibañes ng kanyang salaysay matapos magkonsulta sa kanyang abogado at sinabing kasabwat niya sa krimen sina Mabesa, Anthony Garcia, Roosevelt Sorima at Rolando Pacinos. Mula noon, inisa-isa na ng “BDS” ang mga napangalanang suspek.

Una si Pacinos, na natagpuang patay sa ilalim ng puno sa Palmera Drive, Bgy. Kaypian, San Jose del Monte, Bulacan noong Martes, Hulyo 4, na may karatulang “addict at rapist, wag tularan.” Dinukot raw siya ng mga di-kila­lang armadong nakamaskara at lulan ang isang van.

Sinunod naman si Sorima, na pinagbabaril ng mga armadong nakamaskara sa loob ng kanyang bahay sa North Ridge Royal Subdivision, Barangay Sto. Cristo, San Jose Del Monte noong Miyerkules, Hulyo 5. Namatay siya habang itinatakbo sa ospital.

Noong madaling-araw ng Biyernes, Hulyo 7, dinukot naman si Garcia ng mga armadong nakamaskara sa bahay ng lolo niya sa Bulacan at isinakay sa isang van. Natagpuan ang bangkay niya noong Sabado, Hulyo 8, sa tabi ng kalsada sa Brgy. Pacalag, San Miguel, Bulacan, na may karatulang “addict at rapist, huwag tularan, BDS.”

Pinaimbestigahan na ng Philippine National Police ang pagdukot at pagpatay sa mga suspek, na maidadagdag na sa 3,603 patayang tinaguriang “under investigation” kaugnay ng madugong digmaan kontra droga ng pamahalaang Duterte.

Sa una niyang testimonya, sinabi ni Ibañes na lasing at lulong sa droga siya noong hinalay niya bago patayin sina Estrella at Auring. Ngunit noong una siyang nagbago ng testimonya, sinabi niya na hindi siya nanghalay at si Auring lang ang kanyang pinatay. Sa pinakahuli niyang pagbabago ng testimonya, sinabi niyang wala siyang kinalaman sa krimen at pinilit lang siyang umamin matapos siyang saktan ng mga pulis.

Lumabas na negatibo sa drug test si Ibañes. At hindi pa lumalabas ang kumpirmasyon sa autopsya ng mga biktima na talagang hinalay sina Estrella at Auring. Hindi pa rin malinaw kung talagang may sala sina Ibañes at ang kanyang mga pinangalanang suspek. Ngunit pinagbayaran na ng tatlo, at posibleng apat, na suspek ang krimen.

Ganito na nga ba ang hustisya sa ating bayan? Hustisya ba ito?

Email: daniel.agoncillo.@outlook.com



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments