SA LIKOD NG BALITA: Atake ng militar sa Cotabato at Bukidnon

0
84


Walang dapat ipangamba ang tao sa martial law dahil iba na ang militar ngayon. Hindi na ito katulad ng militar noong panahon ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos. At nabubuhay pa rin sa nakaraan ng diktadurang Marcos ang mga kritiko ng batas militar na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.

Ito ang iginigiit ni Army Brig. Gen. Restituto Padilla, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kamakailan lamang bilang tugon sa kabi-kabilang batikos na inani ng deklarasyon ng martial law ng Pangulo.

Hindi naman maipagkakaila ang panganib na dulot ng bandidong grupong Maute na sumanib na sa teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) at kasaluku­yang naghahasik ng lagim sa siyudad ng Marawi. Dapat ngang puksain ang ganitong klaseng bandido’t terorista.

Nguni’t papaano ipapaliwanag ni Hen. Padilla ang ginagawang paglabag sa karapatang pantao ng kanyang mga sundalo sa mga lugar na sakop ng deklarasyon ng martial law sa Mindanao nguni’t malayo sa bakbakan sa Marawi?

Ayon sa ulat na inilabas sa interaksyon.com, noong Huwebes, Mayo 25, napatay ang isang residente at dalawa pa ang malubhang nasugatan habang 252 pamilya ang pinalayas sa kanilang mga tahanan sa North Cotabato at Bukidnon matapos silang atakehin ng 240 sundalo ng 39th Infantry Battalion ng Philippine Army.

‘Di bababa sa 100 kilometro ang layo ng mga lugar na ito mula sa siyudad ng Marawi.

Tinadtad ng mga eroplanong pandigma, mga 105 Howitzer cannon at mga .50 kalibreng machine gun ang mga tirahan ng mga biktima sa apat na sitio (Pedtobawan, Campo, Apulan, at Centro Salat) sa Barangay Salat, at isang sitio (Libpas) sa Barangay Tuael, na kapwa nasa President Roxas, North Cotabato, at sa Barangay Tangkulan at Barangay Anggaan sa Damulog, Bukidnon.

Dahil rito, wasak ang gulugod o spine at tanggal ang kanang paa ni Abdullah Mamansag, na kanyang ikinamatay, habang nag-aagaw-buhay naman si Norhamin Dataya, 25, at ‘Dodong’, 14. Kapwa sila tinamaan ng shrapnel mula sa mga artillery bomb ng mga sundalo. Sa dibdib at bituka nasugatan si ‘Dodong’.

Pinigilan naman ng mga sundalo ng 72nd Infantry Battalion ng Philippine Army ang isang grupo ng mga human rights monitor na nais sanang tulungan ang mga biktima ng sunud-sunod na atake sa Barangay Salat sa Presi­dent Roxas, North Cotabato. Sinabihan sila ni Abdillah Makalang, kapitan ng Barangay Salat, na hindi sila makakaasa ng proteksyon mula sa kanya sa mga malawakang atake ng militar sa lugar.

Sa Linggo ng umaga noong Mayo 28, sa Maragusan, Compostela Valley, inaresto ng mga sundalo ng 66th Infantry Battalion ng Philippine Army sina Nestor Quintaro at Gilbert Rodella, dalawang magsasaka na kasapi ng Unyon sa Mag-uuma nga Nakigbisog, habang nawawala naman ang isa pa nilang kasamang magsasaka na si Eranio Lapus. Walang ibinigay na dahilan para sa mga pag-arestong ito.

‘Eto na nga ba ang bagong militar na ipinagmamalaki ni Hen. Padilla?

Para naman sa mga nagsasabing dapat nang mag-move on mula sa mga lagim ng martial law ng diktadurang Marcos, may babala ang pilosopong Kastila na si George Santayana: “Those who fail to learn from the past are doomed to repeat it.”

Mauulit na nga ba ang diktadura sa Pilipinas at ang mga malagim na karahasan at katakut-takot na pandarambong na dala nito?



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments