Richard Gutierrez, Kapamilya na | ABS-CBN News

0
107


Richard Gutierrez sa press conference niya sa ABS-CBN. Reyma Buan-Deveza, ABS-CBN News

MANILA — Kapamilya na ang aktor na si Richard Gutierrez.

Nitong Miyerkoles, matapos ang kanyang pagpirma ng kontrata sa ABS-CBN, pormal nang ipinakilala si Gutierrez bilang parte ng pinakaabangang seryeng “La Luna Sangre,” kasama ang bida na sila Kathryn Bernardo at Daniel Padilla.

Matatandaang nagsimulang umugong ang balita na magiging Kapamilya na ang aktor matapos niyang tanggapin ang proyekto ng Star Cinema kasama sila Angelica Panganiban at Angel Locsin.

Taong 2008 noong unang lumabas ang anak nila Eddie Gutierrez at Annabelle Rama sa pelikula ng Star Cinema na “For The First Time” kung saan nakasama niya si KC Concepcion.

Matapos ang higit isang dekadang pananatili niya sa GMA-7, bumida si Richard at ang kanyang pamilya sa reality show na “It Takes Gutz To Be A Gutierrez.” Nag-promote pa nga ito sa “Gandang Gabi Vice.”

Matapos ang matagumpay na pag-ere nito sa E! Asia, ipinalabas rin ang nasabing reality show sa North America, Middle East, Europe, Australia at iba pang parte ng Asia Pacific sa pamamagitan ng The Filipino Channel ng ABS-CBN.

Noon 2015, nagsimula nang mapanood si Richard sa mga programa ng ABS-CBN tulad ng “Kapamilya Deal Or No Deal,” “It’s Showtime” at “Rated K.”

Bago ang paglipat ni Richard sa ABS-CBN, una nang naging parte ng network ang kanyang partner na si Sarah Lahbati, ina ng kanyang anak na si Zion.

Parte din ng sikat na seryeng “Ang Probinsyano” ang ama ni Richard na si Eddie Gutierrez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments