Presyo ng langis, madadagdagan kasunod ng kaunting bawas

0
18



Tila pinatikim lang ang mga motorista ng isang linggong bawas-presyo dahil magkakaroon na naman ng dagdag-singil sa ilang produktong petrolyo.

Simula Martes, Nobyembre 28, madaragdagan ng P0.35 ang presyo ng kada litro ng diesel habang P0.25 naman ang itataas ng kada litro ng kerosene.

Wala namang paggalaw sa presyo ng gasolina.

OIL PRICE HIKE

  • Flying V (November 28, 12:01 A.M.)
  • Caltex, Petron, Shell, SEAOIL (November 28, 6 A.M.)
  • DIESEL P0.35/Litro
  • KEROSENE P0.25/Litro
  • Eastern Petroleum, Phoenix Petroleum, PTT Philippines, Unioil Petroleum (November 28, 6 A.M.)
  • DIESEL P0.35/Litro

Ayon sa Department of Energy (DOE), talagang pataas ang presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado dahil kapos umano sa suplay.

Pero tiniyak ng DOE na iimbestigahan pa rin nila ang presyuhan sa retail at oobligahin ang mga kinatawan ng oil companies na humarap sa mga mamamahayag.

Nababansagan kasi umanong tagapagsalita ng mga kompanya ng langis ang DOE.

Gasolinahang nasunugan, binawi ang papel

Samantala, binawi ng DOE ang certificate of compliance ng isang gasolinahan na nasunog sa Shaw Boulevard noong Biyernes, Nobyembre 24.

Batay sa paunang imbestigasyon, nabutas ng backhoe ang nakabaong tangke ng liquid petroleum gas sa gasolinahang sumasailalim sa renovation o pagsasaayos.

Sumingaw ito at nadamay ang nagtitinda ng fishball sa gilid ng istasyon.

Ayon kay Renante Sevilla, chief science research specialist sa DOE, dapat itinigil ang operasyon ng gasolinahan kung sumasailalim ito sa renovation.

Hinihintay pa ng DOE ang opisyal na ulat galing sa kompanya ng gasolinahan.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments