Presyo ng ilang hamon na sikat pag Pasko, tumaas na

0
34



Ilang linggo bago mag-Disyembre, sumipa na ang presyo ng ilang klase ng hamong kadalasang handa at pangregalo sa Pasko.

Hanggang 11% o katumbas ng P5 hanggang P49 ang dagdag-presyo sa ilang kilalang brand ng hamon sa supermarket. 

Ilan sa dahilan ng manufacturers sa taas-presyo ang paghina ng palitan ng piso kontra dolyar kaya nagmahal ang bili nila sa ilang imported na sangkap, bukod pa sa pagtaas ng suweldo ng mga manggagawa kasunod ng inaprubahang umento sa minimum wage

Paliwanag pa ni Francisco Buencamino,Jr. ng Philippine Association of Meat Processors Inc., tumaas din ang presyo ng baboy.

“High prices of local pork has remained strong, tumataas pa nga e,” aniya. 

Kung nagtaas-presyo ang mga hamon sa supermarket, nagmahal na rin ang mga espesyal na hamon gaya ng ibinebenta sa Quiapo, na dinudumog ng mga kostumer bago at pagsapit ng Pasko.

Hanggang P60 ang iminahal ng iba’t ibang klase ng hamon sa tindahan sa Quiapo dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng karne at iba pang sangkap, at dagdag-suweldo sa manggagawa. 

Sa unang linggo pa naman ng Disyembre inaasahang dadagsa ang mga mamimili. 

Samantala, hanggang P40 din ang dagdag-presyo sa sikat na bentahan ng hamon sa P. Martinez sa Mandaluyong, dahil na rin sa pagmahal ng sangkap at rekados ng hamon. 

Sa kabila nito, sinabi nila na dagsa pa rin ang order na pangregalo o pang-Noche Buena.

Sa weekend na ililimbag ng Department of Trade and Industry ang listahan ng presyo ng mga produktong pang-Noche Buena. 

May ilang brand ng Noche Buena items na bumaba pa ang presyo kumpara noong isang taon pero mayroon ding hindi nagbago. 

May ilan ding tumaas ang presyo gaya ng hamon, fruit cocktail, at quezo de bola.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments