PRANGKAHAN: Si Charlie Tan at si Paolo Duterte

0
138


Bitin yata ang tirada ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon kay Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson tungkol sa pagkasangkot ng anak niyang si Pampi sa smuggling daw ng semento.

Kung may mga dokumento siya tungkol sa smuggling ni Pampi Lacson ng semento, ano na ang nangyari? Naipahinto ba niya? Bakit hindi kinasuhan?

Dapat ituloy ni Faeldon ang kasong ‘yun.
Ngunit dapat harapin din niya ang paratang ni Lacson na tumanggap din siya ng ‘tara’ o welcome gift, kung ano man ang tawag nila sa mga sindikato sa Customs.

Maliban sa isyu kung siya at ang kanyang mga dinalang tauhan sa Customs ay tumanggap din ng mga milyones, ano ang ginawa niya para buwagin ang mga sindikato sa Customs?

Hindi pa nasasagot ang tanong kung bakit nakalusot ang 604 kilos ng shabu na nagkakahalaga ng P6.4 bilyon at natagpuan sa isang warehouse sa Valenzuela. ‘Yun lang ang nahuli. Paano ‘yung hindi nahuli at nakalusot?

Lumutang ang bagong grupo ng mga smugglers: ang Davao group, na sangkot ang anak ni Pangulong Duterte na si Vice Mayor Paolo Duterte. Lumabas na rin ang pangalan ng isang malapit kay Paolo na tinatawag din nilang ‘Pulong’, si Nilo ‘Small’ Abellera, councilor ng Davao City.

Itinuro ni Customs broker Mark Taguba, na siyang nagpapasok ng 604 kilos ng shabu, si Abellera na siyang tumanggap ng P5 milyon na kanyang binigay para ‘enrolment’ sa Davao group para hindi sitahin ang kanyang mga shipment.

Sa eksplosibong listahan na inilabas ni Lacson, wala ang pangalan ni Paolo Duterte. Ngunit nandu’n ang pangalan ni ‘Charlie Tan of Davao Group’ sa ilalim ng ‘bribe givers.’

Bakit ka magbibigay ng suhol? Siyempre may pinapalusot ka.

Ang expose ni Lacson ay nagpapatibay sa testimonya ni SPO4 Arturo Lascañas, dating miyembro ng Davao Death Squad noong Marso.

Ikinuwento ni Lascañas na noong 2014, sinabi sa kanya ni Paolo na may darating na shipment na ang suspetsa ay may kasamang shabu para sa negosyanteng kay Charlie Tan. Pinapaharang ni Paolo, sabi niya.

“Ang sabi niya sa‘kin, ‘pag dumating ang ‘yung sa Davao, escortan mo ang van, ipa-deliver natin sa isang barangay hall at pag-open, kung may laman, hulihin si Charlie,” kuwento ni Lascañas. Isinagawa na niya ang operasyon para maharang ang kargamento ni Charlie Tan.

Ngunit bago niya makuha ang kargamento, may bagong order galing kay Paolo, sabi ni Lascañas. “Bago ako makara­ting, sabi niya sa‘kin arbor ko na lang, bro. Ako na lang bahala kay Charlie.”

Deretso daw sa van ni Paolo ang kargamento ni Charlie Tan. Hindi naman hinuli sa Charlie Tan na hanggang ngayon ay namamayagpag.

Ito ang isang dahilan kaya napaisip si Lascañas sa kanyang ginagawa para kay Duterte.

Ito rin dapat ang isipin ni Faeldon na naninindigan na hindi siya tumanggap ng suhol sa Bureau of Customs. Sa tulong ng Davao group, nakalusot ang mga ilegal na droga, kasama na doon ang 604 kilos, na sumisira buhay ng maraming Filipino.

Sobra 5,000 na mga tao ang pinatay sa walang pakunda­ngang operasyon laban sa ilegal na droga ng administrasyong Duterte. Kasama na doon si Kian delos Santos.

***

Blog: www.ellentordesillas.com

Email: ellentordesillas@gmail.com



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments