PRANGKAHAN: Martial law pa more

0
50


Gusto ni House Speaker Pantaleon Alvarez na i-pagpatuloy ang Martial law sa Mindanao ng limang taon pa daw, hanggang sa matapos ang termino ni Pangulong Duterte.

“Kung ma-kumbinsi ko ang aking mga kasamahan, itutulak ko na i-extend (ang Martial Law sa Min­danao) hanggang 2022, dahil maigsi ang dalawang buwan. Limang buwan hanggang isang taon, maigsi pa rin yun,” sabi ni Alvarez.

Hindi sinabi ni Alvarez kung ano ang kailangan gawin sa Min­danao na hindi magawa kung walang Martial Law.

Si Duterte mismo hindi siya sigurado kung hindi niya i-extend ang Martial Law niya sa Mindanao na kanyang idineklara noong Mayo 23 nang sumiklab ang laban, sa pamamagitan ng militar at nagsanib na pwersa ng mga teroristang grupo- ang Maute at Abu Sayyaf.

Sa batas kasi, 60 na araw lang ang Martial Law ngunit kung kina-kailangan, pwede ipagpatuloy.

Malakas ang loob ni Duterte at ng kanyang mga kakampi katulad ni Alvarez na magsabing ituloy ang Martial Law dahil kinampihan sila ng karamihan (11) ng mga miyembro ng Korte Suprema.

Isa lang ang tumayo ng buo laban sa Martial Law sa Min­danao- si Associate Justice Marvic Leonen. Si Senior Associate Justice Antonio Carpio naman, dapat Marawi lang.

Si Chief Justice Lourdes Sereno at si Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa ay aprub sa Martial Law hindi lang sa Marawi kung ‘di sa buong Lanao del Sur, Maguindanao at Sulu.

Mukhang okay na rin sa karamihan ng Filipino dahil sa survey na ginawa ni Pangulong Duterte noong Hunyo 23 at 26, 78 na porsiyento ng mamamayan ay aprubado sa palakad ni Duterte. Tumaas siya sa Visayas at Luzon.

Natabunan ang laki (12 porsiyento) ng ibinagsak ng aprubado sa kanya sa Mindanao. Ang bumalandra lang sa balita ay tumaas ang kuntento sa pamahala ni Duterte.

Dahil tayo ay demokrasya, wala tayong magawa kung ‘di sumunod sa desisyon ng nakakarami.

Kung ano man ang nangyayari sa ating bansa, ang patuloy na patayan, ang pambabastos sa batas at sa karapatang pantao, ang umiigting na kahirapan, ang hirap sa trapik at marami pang problema, hindi tayo dapat mag-reklamo. Kagustuhan ng karamihan ito.

Ang nangyayari sa atin ay parang pagluto ng palaka.

Ang palaka kasi, kapag nilagay mo sa kumukulong tubig, tatalon yun dahil malakas ang reaksyun niya sa biglang pagbago ng sitwasyun.

Ngunit kung ilagay mo sa malamig muna at unti-unting lakasan ang apoy, hindi niya mahahalata. Kampante lang siya. Kung maramdaman niya ang unti-unting pag-init, mag-aadjust siya, katulad din nating mga Filipino. Mapasensya. Mapagtiis.

Hanggang sa maging malakas na ang apoy at kukulo na ang tubig. Saka pa lang malaman ng palaka na nilagang palaka na siya.

Ganyan tayo.

***

Blog:www.ellentordesillas.com
E-mail:ellentordesillas@gmail.com



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments