PRANGKAHAN: Isang taon sa administrasyon ni Rodrigo Duterte

0
78


Noong mga unang buwan ng administrasyon ni Pangulong ­Rodrigo Duterte na lumilipad ang putang-ina sa lahat ng mga talum­pati niya at shocked na shocked ang buong bansa araw-araw na patayan habang pinapaigting niya ang kampanya laban sa ilegal na droga, nag-usap kami ng kaibigan kong reporter at ang tanong ko, “Aabot ba siya ng isang taon?”

Ang obserbasyon ko kasi sa Pangulo ay masakit ang pakiramdam kaya ganu’n, palagi nagmumura.

‘Di ba ang tao kapag masama ang pakiramdam, mainitin ang ulo? Nakita naman natin palagi lang niya pini­pisil ang kanyang noo dahil nga raw may sakit siyang naram­daman doon.

Ang sagot sa akin ng aking kaibigan na ang lalim ng mata sa puyat dahil nahirapan silang sumunod sa schedule ni Duterte na nagpapa-presscon lampas ng hatinggabi: “Tayo ba, aabot tayo ng isang taon sa ganitong sitwasyon?”

Sa sunod na linggo, isang taon na tayo sa pamumuno ni Duterte. Buhay siya, buhay tayo.

Malaking bagay ‘yan.

Merong hindi umabot: kasama na roon ang halos 7,000 na napatay na hindi dumaan sa proseso ng hustisya. Kasama raw ‘yun sa kampanya laban sa ilegal na droga.

Noong kampanya sinabi ni Duterte na lilinisin niya ang buong bansa ng ilegal na droga sa loob ng anim na buwan. ­

Siyempre hindi niya nagawa ‘yun. Isang taon daw. Laganap pa rin ang ilegal na droga kahit na libu-libo na ang napatay.

Wala na siyang deadline. Kung makukumpleto niya ang kanyang anim na taon na termino, tingnan natin kung matupad ­niya ang kanyang pangako. Ilang libo pa kaya ang mapapatay?

Ang tanong kasi: Ang pagpatay ba ang solusyon sa problema ng ilegal na droga.

Naging laman ang Pilipinas ng balita sa ibang bansa ngunit ‘yun ay dahil sa matinding paglabag sa karapatang pantao. Maganda ba ‘yun?

Parang bumalik tayo sa panahon ni Marcos 47 taon na ang nakaraan. Sa halip na umusad, umurong tayo.

Ang nakakalungkot ay parang tanggap ng karamihan ang ganitong sitwasyon. Napuno tayo sa kapabayaan ng mga ­nakaraang administrasyon kaya binoto ng karamihan si Duterte.

Ngayon, hindi naman naayos ang mga problema, sa sobra nating pagod, wala na tayong lakas para magreklamo pa. Tanggap na lang. Nakakalungkot.

Kung may maayos na ginawa si Duterte, ‘yan ay ang makipag-­ayos sa China na ginawang kaaway ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ngunit hindi naman tama ang ginawa niyang awayin ang Estados Unidos. Puwede namang makipagkaibigan pareho sa China at sa Amerika.

Sa ngayon ang mahalaga, buhay tayo. Habang may buhay, may pag-asa.

***

Blog:www.ellentordesillas.com
E-mail:ellentordesillas@gmail.com



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments