PRANGKAHAN: Ang mga pinagkakatiwalaan ng mamamayang Filipino

0
40


Mula 2015 hanggang Marso 2017, malaki ang itinaas ng tiwala ng mamamayan sa pamahalaan, lalo pa sa opisina ng pangulo.

‘Yung mga binabanatan ni Pangulong Duterte na mga ins­titusyon katulad ng simbahan at media ay steady lang ang score sa tiwala ng mamamayan. Hindi tumaas, hindi rin bumaba.

Kaya pantay na sila ng pamahalaan.

Ito ang lumabas sa survey na ginawa ng EON Group sa 1,200 na Filipino, edad 18 pataas, noong buwan ng Marso at Abril 2017.

Noong 2015 kasi na survey ng EON, 50 percent ang score ng pamahalaan sa tiwala ng mamamayan. Ngayon 80 ­percent na. Trenta porsiyento ang inakyat.

Sa simbahan naman, 92 percent ang score noong 2015. Ngayong taon, 93 percent.

Sa media, 73 percent noong 2015. Ngayon 78 percent.

Sa mga inis kay Duterte, mahirap intindihin at tanggapin. Kaya lang mga propesyunal ang grupo ng EON ang paraan na ginamit para alamin ang tiwala ng mamamayan ay international standard.

Ito pa: ang pinakamababa sa institusyon ng pamahalaan ay ang opisina ng bise-presidente na 57 percent lang ang nakuha.

Kung mataas ang executive branch, pinakamababa ang legislative branch.

Ang isinali ng EON sa survey maliban sa pamahalaan, simbahan at media ay negosyo, akademya o mga paaralan at non-government orgnizations.

Kung sabagay, lahat naman tumaas. Ang pamahalaan ­kasi nanggaling sa mababa noong 2015 kaya kapansin-­pansin ang pag-akyat ng score.

Siguro maintindihan natin kung bakit tumaas ang tiwala ng mga mamamayan sa pamahalaan dahil lumabas sa ­survey na ang gusto nila na napaparusahan at nakukulong ang mga kurakot at tilawing mga politico (47 percent.) Noong panahon ni Pangulong Benigno Aquino III, napakulong sina Senador Jinggoy Estrada, Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. at Juan Ponce Enrile (pinalabas dahil sa kanyang edad).

Sa unang taon naman ni Duterte, napakulong niya si Sen. Leila de Lima. Marami ang hindi naniniwala na may kasalanan si De Lima at hindi pa napapatunayan sa korte. Ngunit meron din siguro naniniwala sa paulit-ulit ni Duterte sa kanyang mga talumpati.

Nagustuhan din daw ng maraming mamamayan ang mga preparasyon na ginagawa ng pamahalaan na paghanda para sa mga sakuna at kalamidad at pagproteksyon ng pambansang seguridad.

Nagustuhan din nila ang ginagawa ng pamahalaan sa pagpalakas ng ekonomiya.

Sa survey ngayong taon, isinama ng EON ang social ­media at nakita nga nila na ang mga lumalabas sa social ­media ay iba kaysa tunay na pangyayari.

Nagpasalamat si Assistant Secretary Kris Ablan ng Presidential Communications Operations Office sa resulta na siyang magiging gabay daw sa kanilang pagpapatuloy ng kanilang trabaho.

Ginawa itong survey bago nangyari ang giyera sa Marawi at pagdeklara ng Martial Law sa buong Mindanao at pagpatay sa 17 taong gulang na si Kian Delos Santos sa Caloocan City.

Ang nasa isip ko, kung isali ‘yun, maiiba kaya ang resulta?

Sa palagay ko hindi.

***

Blog:www.ellentordesillas.com
Email:ellentordesillas@gmail.com



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments