PRANGKAHAN: Ang kulang at bago sa SONA 2017 ni Pangulong Duterte

0
246


Dalawang oras ang State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Duterte noong Lunes ngunit maraming kulang.

Isa, kokonti ang putang ina. Lima lang yata ang nabilang ko. Karaniwan kasi ang 20 na putang ina sa kanyang mga talumpati.

Ang kanyang SONA ay parang inulit lang niya ang kanyang mga kuwento itong unang taon.

Ngunit parang kulang din yata ang kanyang kuwento tungkol sa illegal drugs. Siyempre sinabi niya na lalo raw niyang paiigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga. Sobra 5,000 na ang napatay. Ang mga Filipino parang nasanay na.

Ang bago niyang target noong Lunes ay ‘yung mga taga-Kaliwa–mga komunista.

Noong mga ilang buwan lang e, magka-alyansa sila. Tinanggap pa nga niya sa Malacañang ang mga miyembro ng Bayan noong isang linggo.

Noong Disyembre, nang binabatikos siya dahil sa kanyang pagpayag na ilibing si dating Pangulong Marcos sa Libingan ng mga Bayani, sabi niya mga gawain lang daw ‘yun ng mga dilawan o ‘yung maka-Aquino. Ang mga komunista daw kahit nag-rally, kaalyansa daw niya. Magpapakamatay daw para sa kanya ang mga taga-Kaliwa.

Ito ang sinabi niya: “The Reds would never demand my ouster. They will die for me, believe me. That’s the reason why I was able to convince them for a [peace] talk.”

Aba, noong Lunes nanggagalaiti siya sa mga komunista. Kinuwento niya na sa miting daw niya sa mga miyembro ng Bayan, sinabi niya: “Sabi nila doon ‘bully’ daw ako.”

Ang taong ‘bully’ ay ‘yung maton.

Sabi ni Duterte “Tang ina pala kayo, talagang bully ako.] P***** i**. Talagang bully ako, especially to the enemies of the state, talagang bully ako.”

Ang lakas ng palakpak sa kanya. Talaga naman ang ating mga mambabatas, nasarapan makinig sa putang ina ni Duterte.

Kaya lang, pagkatapos ng kanyang SONA, lumabas siya sa Batasan at pumunta sa rally ng mga Kaliwa (siyempre kasama ang security niya) at sinabi sa mga nagra-rally, “Sino ako mang-bully sa inyo?”

Ay ano ba ‘yun. Hindi pa nag-isang oras bumaligtad na.

Sinumbat niya sa mga Kaliwa ang pag-ambush sa ilang mi­yembro ng Presidential Security Group sa Arakan, North Cotabato.

“We have lost so much soldiers. And there are thousands already incapacitated to fight. Pati ‘yung police ko, araw-araw ninyong ina-ambush. Pati ang convoy ko, kasi doon ako mag-sakay, ina-ambush nila.

“Pati akong — gago. Putang ina. Pati ako, patayin nila. Sabagay, malayo ako doon. Pero convoy ko kasi ‘yun eh. Waiting lang ako doon sa ano… Alam mo ginamitan niyo ng machine gun. Kaya lang armorized.”

Nilait-lait niya ang nagtatag ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria Sison na nasa Utrecht, Netherlands. “Kaya gusto niyo kong mag-usap tayo, no, sumobra kayo.

Ikaw, [Jose Maria] Sison, tang… Mag-inom ka ng Tang. ‘Yung orange. Matanda ka na.”
Nagsalita ang bata.

Ibig sabihin ng State of the Nation, ay ang kasalukuyang lagay ng bansa. Ganyan ang lagay ng bansa sa pamumuno ni Duterte.

***

Blog: www.ellentordesillas.com
E-mail: ellentordesillas@gmail.com

 



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments