PRANGKAHAN: Ang dapat nating malaman tungkol sa Martial Law

0
66


Apat na araw makalipas na nagdeklara ng Martial Law si Pangulong Duterte sa Mindanao habang siya ay bumibisita sa Russia, maraming katanungan at pag-aalinlangan sa isip ng karamihan lalo pa nang sinabi niya na maaari niyang palawakin ang deklarasyon sa Visayas at sa buong bansa.

Sa ngayon ang Martial Law ay sa buong Mindanao. Ang dahilan na ginagamit sa pagdeklara ng Martial Law ay ang bakbakan sa pagitan ng Maute group at ang mga sundalo at pulis noong Martes sa Marawi City.

Sinuspindi din ni Duterte ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus (kung saan ang isang tao ay hindi maaaring basta-basta maaresto).

Sa gitna ng maraming katanungan, nagpalabas ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ng impormasyon na maaari nating gawing gabay. Ang pinakamahalaga: hindi suspendido ang Constitution o Saligang Batas sa panahon ng Martial Law.

Ito ang sabi ng NUPL:

Ang deklarasyon ng Martial Law ay hindi nasususpindi ng Saligang Batas.

Hindi rin automatic ang pagsuspindi ng writ of habeas corpus. Kaya lang sa deklarasyon ni Duterte, sinuspindi rin niya ‘yun.

Sabi ng NUPL, kahit sa Mindanao, patuloy pa rin ang karapatan ng isang tao na ituring na inosente hanggang hindi siya nasentensyahan ng korte.

Hindi rin siya puwedeng pilitin na ipasubo ang kanyang sarili.

Patuloy ang karapatan ng bawat mamamayan sa legal na proseso.

Kapag nahuli, may karapatan siyang hindi magsalita at humiling na makausap ang kanyang abogado.

Hindi puwedeng gamitan ang sinuman ng dahas kapag inaaresto.

Kapag, inaaresto, karapatan mong malaman kung bakit ka inaaresto.

Bawal pa rin ang mga ilegal na pag-aresto at pagkulong.

Bawal ang torture, ang pagmalupit, at ang solo kang ikulong sa hindi makatao na kulungan.

Karapatan mong bisitahin ka ng iyong mga pamilya at mga organisasyon na tumutulong sa iyo.

Walang Martial Law sa Luzon at Visayas. Ipagdasal natin ang ating mga kababayan sa Mindanao.

Alerto palagi. Pangalagaan natin ang ating karapatan bilang mamamayan ng isang demokratikong bansa.

***

Blog:www.ellentordesillas.com
E-mail:ellentordesillas@gmail.com



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments