Power-less, water-less na mga eskuwelahan

0
16


Sa kabila ng pagsulong ng ating edukasyon tungo sa modernisasyon, hindi maikakaila na kinakaharap pa rin ng mara­ming estudyante sa public schools lalo sa malalayong pook ang problema sa kawalan ng kuryente, tubig, at toilet.

Power-less na nga, water-less pa.

Sa 7,413 pampublikong paaralan sa bansa, halos 5,911 ang walang access sa kuryente o li­teral na ‘nangangapa sa dilim.’

Ang mga eskuwela­han na nasa isla o bundok ay nagtitiyaga naman sa biyaya ng araw o solar panels o generator sets na umaandar sa krudo.

Ito ay kahit alam natin na mahalagang sangkap ang access sa kuryente sa pagkakaroon ng modernong edukasyon.

Pano makakasabay ang mag-aaral sa kanayunan sa kanyang pinsan sa siyudad kung walang kuryente sa kanilang classroom, computer at science/laboratory equipment?

Saan naman nila isasaksak ang kanilang donated computer, laptop at tablet kung walang kur­yente?

Nakakatawang nakakalungkot na nakarating na tayo sa buwan ngunit may ilang lugar pa rin sa Pilipinas na hindi pa rin nararating ng elektrisidad.

Malamang maiwan sa kangkungan ang mga estudyante natin sa malalayong lugar kung walang kuryente.

Kaya naman matagal ko nang hinihirit sa DepEd na buhusan ng budget ang electrification ng mga public schools na walang kuryente.

At tila dininig naman nila tayo dahil naglaan ang gobyerno ng P2.97 billion para dito sa susunod na taon.

Subalit sa mga lugar na talagang extra-challenge ang pagkakabit ng kuryente tulad ng kabundukan at isla, mungkahi ko pa rin na ituloy ang pag­lalagay ng solar panels.

At magdagdag pa kung kailangan sa mga public schools na may solar panels na.

Mula 899 na public schools na may solar panels, kaya nang pondohan ng gobyerno ang pagkakabit ng solar panels sa 46,739 na eskuwela­han para naman hindi puro ‘drawing’ lang o pictures ang kanilang science lesson.

Katulad ng kuryente, lubhang mahalaga din ang pagkakaroon ng access sa tubig sa mga public schools.

Kasing importante rin ng libro at klasrum ang pagkakaroon ng toilet o palikuran na may mali­nis na tubig.

Halos 3,628 ng 46,739 na kabuuan ng mga public elementary schools ang walang access sa tubig a­yon mismo sa DepEd.

Mga 8,109 na public schools naman ang umaasa sa patak ng ulan upang magkaroon ng tubig.

Humigit kumulang naman na 17,757 ang mga public schools na sumasalok sa balon o deepwell para magkatubig.

Huwag naman sanang lagi silang magdasal ng ulan sapagkat lulubog sa baha ang mga sakahan.

Halos gapatak lang ng ulan ang bilang ng mga public schools na may matinong lavatories or sanitation facilities tulad ng toilet or CR.

Peligroso ang ganitong kalagayan dahil ma­laki ang impact nito sa kalusugan ng mga estudyante.

Ang kagyat na tugon dapat ay paspasan ang paglalagay ng water and sanitation facilities sa mga public schools.

Ang problema kasi sa napondohang 27,172 na water at toilet facilities noon, ni isa walang natapos mula 2013-2014.

Kaya dapat siguruhin na may papatak na tubig sa dulo na gripo sa mga toilet ng public schools kapag nasimulan na ang programa.

Panahon na upang isi­pin natin na ang kur­yente at tubig ay mga importanteng kaagapay sa mahusay na edukasyon.

Kung walang tubig, walang (education) power.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments