PINOY ‘DI HANDA SA TERORISMO, KRISIS

0
130


WALANG handa sa terorismo at krisis.

Ito ang lumabas na katotohanan sa mga pangyayari sa Marawi City at Resorts World Manila.

Kung may handa man, nakalulungkot isiping ang Pangulo lang at iilan niyang opisyal.

Dahil dito, kailangan ngayon ang ibayong pagsisikap ng mga kinauukulan upang mapalitaw ang kahandaan ng nakararami, kundi man ng lahat ukol sa nasabing mga problema.

1 LINGGONG GUMAGALA

Sa mga lumalabas na kwento ng mga taga-Marawi, isang linggo na palang gumagala ang mga armadong pwersa ng ISIS sa nasabing lungsod.

Subalit hindi nakitaan ang mga awtoridad ng pagkaalarma.

Kung may aksyon man ang mga ito, ang sinasabing pagsisilbi lamang ng warrant of arrest kay Isnilon Hapilon na pinuno ng Abu Sayyaf Group at sinasabing pinuno ng ISIS ngayon sa mga bansang Pilipinas, Malaysia at Indonesia.

Lumalabas na hindi sumagi sa isipan ng mga awtoridad na militar at pulis na dala-dala ni Hapilon, at mga pinuno ng Maute Group, ang kanilang mga armadong pwersa kaya nabulaga ang mga ito sa mga susunod na pangyayari.

MGA SUPORTER

Isa rin sa naging malaking kahinaan ng mga awtoridad ang posibleng hindi pag-iisip sa laki ng suporta ng komunidad sa mga terorista sa iba’t ibang kadahilanan gaya ng pagkakaroon ng angkan ng mga ito sa lugar.

Ayon pa sa mga nakatakas mula sa giyera, lumalabas na walang nagsusumbong na mamamayan ukol sa pagpaparating ng mga malalakas na armas ng mga terorista sa lungsod.

Ngayon nga ay nasa 2,000-3,000 pang sibilyan ang sinasabing sakop ng mga terorista na walang nakaaalam kung simpatisador ang marami sa mga ito o hindi.

Ito’y sa gitna ng katotohanang marami sa mga mamamayan ang gusto nang lumabas sa lugar upang makaiwas sa mabangis na tugon ng pamahalaan sa mga terorista, simpatisador man o hindi ng mga terorista.

Maaari bang sabihin ngayon na dahil sa libong suporter ng mga terorista, hindi madaling madurog ang mga ito at maaaring magtatagal ang giyera?

MISTERYO SA PAMILYA MAUTE

Isang malaking katanungan kung paano nakalabas ng Marawi o Lanao ang pamilya o magulang ng magkapatid na Maute.

Sa kabila ng pagbagsak ng Martial law at kabi-kabilang checkpoint sa buong Mindanao, nakabiyahe ang pamilyang Maute mula Marawi o Lanao del Sur hanggang Davao City.

At sa Davao City pa naharang ang mga ito habang patungo umano ang mga ito sa ibang lugar ngunit ninais lang na magpa-check-up ang isa rito sa isang ospital sa nasabing lungsod.

Ang paglusot sa mga checkpoint ng mga Maute ay palatandaan pa rin ng kawalan ng malaking kahandaan ng mga kinauukulan laban sa mga terorista.

HINDI KATAKA-TAKA

Hindi talaga kataka-taka na hindi ganap na handa ang mga kinauukulan sa terorismong dulot ng ISIS.

Hanggang sa huli kasi, mga Bro, ipinipilit ng mga militar at pulis na walang ISIS sa mahal kong Pinas sa kabila ng matagal nang mga pahayag dito mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nitong nagdaang mga araw na lamang, nang sumabog ang giyera at krisis sa Marawi, naalimpungatan ang mga militar at pulis at nagsasabi na silang may ISIS nga.

Naging katapat ang hilaw na kalagayan ng mga awtoridad ng hinog na terorismo.

Kaya nga, kung pinaniwalaan lang ng mga militar at pulis si Pang. Digong noong mga una pa lang nagbabala ito, sana ang paghahanda na nila ay paghahanda laban sa terorismo at hindi sa mga ordinaryong rebelde lamang.

RESORTS WORLD

Malinaw ring lumitaw ang kawalan ng kahandaan, maging ang mga mamamayan, sa problema sa terorismo.

Dahil sa sigaw na ISIS, nabalot ng takot ang mga nasa Resorts World at hayun na nga, 37 ang patay sa kawalan ng kahandaan dito at ibinunga nitong pagkataranta.

Ang totoo, matagal na nating hinihiling sa mga awtoridad ang pag-oorganisa at pagsasanay sa mga mamamayan hanggang sa lebel ng mga barangay bilang paghahanda sa terorismo.

Maganda ang sinasabi ng mga awtoridad na magtiwala at sumandig tayo sa kanila.

Subalit dumating ang isang anyo ng “terorismo” at nakalulungkot ang katotohanang “zero” ang ating paghahanda, lalo na sa hanay ng mga mamamayan.

Mauugat pa rin lahat ng ito sa mismong kawalan ng mga awtoridad, maliban sa antas nina Pang. Digong, ng kawalan ng kaisipan ukol sa banta ng terorismo na nagbubunga ngayon ng labis na kawalan ng kahandaan dito at sa krisis na idudulot nito, kabilang na ang maramihang kamatayan, gutom at pagkadiskaril sa buhay.

oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments