Pinas, malayo sa target sa SEA Games; babawi na lang sa 2019

0
51



Aminado ang sports officials ng Pilipinas na hindi na maaabot ng bansa ang inaasahan nitong 50 gintong medalya sa 2017 Southeast Asian Games sa Kuala Lumpur. Kaya naman mas pinaghahandaan na ng bansa ang pagsasanay sa mga atleta sa darating na 2019 SEA Games na iho-host ng Pilipinas.

Mas mababa ang nakuhang ginto ngayong taon kaysa sa SEA Games noong 2015 sa Singapore at noong 2013 sa Myanmar. Parehong nagkamit ng 29 ginto ang bansa noon. 

Naka-113 ginto naman ang Pilipinas noong 2005 at nanalo sa overall championship, pero mula noon, pababa nang pababa ang bilang ng ginto ng Pilipinas mula sa SEA Games.

Ayon sa ilang eksperto, kulang ang paghahanda ng mga Filipino kumpara sa ibang bansa.

“[Malaysia] really prepared for it. Imagine, they have so many coaches, international exposure… In gymnastics, they had eight coaches,” ayon kay Cynthia Carreon, ang chef de mission o tagapamahala ng Philippine team sa 2017 SEA Games.

Samantala, matapos ang higit isang dekada, nakakuha na muli ang Pilipinas ng ginto sa sport na pencak silat sa SEA Games. Nakamit ni Dines Dumaan ang ika-24 na gintong medalya ng bansa sa 2017 SEA Games sa 45-50kg division ng men’s tanding putra class A sa pencak silat.

Nasungkit din ng bansa ang medalyang pilak sa sport na taekwondo. Naluha si Kirstie Elaine Alora nang talunin sa ikaapat na pagkakataon ng Cambodian na si Sorn Seavmey. Gayumpaman, napataob naman niya ang kalaban mula Laos kaya nakamit niya ang medalyang pilak sa nasabing sport. 

Sa kabila ng bumababang bilang ng ginto, suportado pa rin naman ng Philippine Sports Commission (PSC) ang mga atletang Pinoy.

Ayon kay Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na chairman ng 2019 SEA Games, ngayon pa lang ay kailangan nang magkaroon ng programa para sa pagho-host ng Pilipinas. 

“One thing that there is a consensus with the POC (Philippine Olympic Committee) and PSC is that we will focus not only on the facilities but on the athletes’ training for the next two years,” ani Cayetano.

Pauwi na sa Pilipinas ang ilang atletang tapos na sa kompetisyon, pero may mga grupong dadalo pa rin sa closing ceremony ng SEA Games sa Miyerkoles ng gabi.— Ulat ni Dyan Castillejo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments