PINAKAMAGULONG KASO: MURDER KAY DOC GERRY

18


HANGGANG ngayon, binabalot pa rin ng kaguluhan ang kasong pagpatay kay Doctor Gerry Ortega noong Enero 24, 2011.

Sinasabing nag-ugat ang kaguluhan sa kanyang expose ng mga anomalya sa Palawan sa ilalim umano ni dating Palawang Governor Joel Reyes.

Nagkaroon siya ng mga katakot-takot na death threat hanggang naging totoo ang mga ito noong umaga ng Enero 24 at tamnan ang kanyang katawan ng mga bala ng baril na kanyang ikinamatay kaagad.

GULO SA DOJ

Nang umabot na sa Department of Justice ang kaso para sa pagsasampa ng kaso, sinabi ng panel of prosecutors na walang sapat na ebidensya para pagbintangan si Reyes na utak ng pagpatay.

Isinabit kasi si Reyes ng mga gunman, kasama na ang nagsabing tumanggap sila ng salapi bilang pabuya sa pagpatay.

At pinanigan ito ng Court of Appeals noong 2011.

Dahil sa kaguluhang nilikha nito, nagbuo ng pangalawang panel ang DOJ na noo’y pinamumunuan ng ngayo’y nakakulong dahil sa droga na si Senador Leila de Lima.

Dito nagmula ang posisyon pabor sa pagsasampa ng kaso laban kay Reyes. Kinatigan ng Supreme Court ang pag-iral ng second panel.

At ipinagpatuloy na lang ng RTC Branch 52 ang kaso laban kina Reyes dahil noon pang 2012 ito nag-isyu ng warrant of arrest laban sa magkapatid.

GULO SA BI, DFA

Makaraang pumasok ang kaso sa regional trial court, tumakas si Reyes at kapatid nitong si dating Coron, Palawan Mayor Mario Reyes na isinangkot din sa pagpatay.

Nagkagulo na naman noon dahil nagkaroon si Reyes ng pekeng passport na ginamit para sa paglabas niya ng bansa.

May dalawa pa ngang tauhan naman ng Bureau of Immigration na sinibak sa pagtulong sa magkapatid na lumabas ng bansa.

Nahuli ng mga Thail police ang magkapatid sa Thailan at ibinalik sila sa Pinas para harapin ang kasong murder.

Siyempre pa, ikinulong ang mga ito at hindi pinagpiyansa ng regional trial court.

Habang nakabinbin ang kaso ng mga ito, napatunayan namang nagkasala ang mga pumatay at tumanggap ng bayad para patayin si Doc Gerry.

NAGKAGULO MULI

Nitong mga huling araw, muling nagkagulo nang lahat nang pawalan ng saysay ng CA kasong murder sa mga Reyes, kasabay ng kautusang palayain ang mga ito.

Pero sentro ng usapan ang kay ex-Gov. Reyes dahil siya ang itinuturong utak sa pagpatay.

Lalo na nang nakitang lumaya na talaga ito mula sa kulungan sa Palawan Jail.

Umiyak ang pamilya ng biktima at umangal naman ang mediamen, kasama ang mga abogado na nagsisilbing prosecutor sa kaso noon at ngayon.

Naguguluhan din ang iba pa dahil sa pangyayari at hindi rin kaagad basta nakakakilos ng ligal ang pamilya at abogado ng mga Ortega.

Pero malamang na aabot muli sa Supreme Court ang kaso para maibalik sa kulungan sina Reyes at maibalik ang paglilitis ng RTC sa kaso.

GULO SA CA, SC

Para sa mga abogado, maaaring magsampa umano ng motion for reconsideration ang pamilya Ortega sa CA.

Sakali namang hindi uubra, maaaring tatakbo ito sa SC. Marami ang mga konsiderasyon dito.

Kung magkamali ang mga abogado ng pamilya Ortega, baka tuluyan nang mabasura ang kaso dahil hindi basta naibabalik ang isang kaso, gayundin na hindi basta ibabalik sa kulungan ang taong pinalaya ng korte.

Maaaring matamaan ng double jeopardy ang kaso na nangangahulugang hindi pupwedeng kasuhan ng dalawang beses ang isang tao sa iisang kaso.

CA VS SC

Kung nagtalo ang CA at SC noong una at pinawalambisa ng huli ang desisyon ng una pabor sa mga Reyes, ngayo’y malamang na magtalo ulit ang dalawang mataas na Hukuman.

Sa pananaw ng mga abogado na pabor sa mga Ortega, inagaw umano ng CA ang trabaho ng RTC na tumingin sa probable cause at paglilitis na rin sa mga Reyes.

Siyempre pa, kabaligtaran ang posisyon ng mga abogado ng mga Reyes at igigiit nila na tama ang CA.

Pero ano naman kaya ang magiging desisyon muli ng CA? Papaboran pa kaya ng SC ang mga Ortega?

Ito ang aabangan natin sa mga susunod na araw.

Pero ang nais natin ay dapat may mananagot sa pagpatay kay Doc Gerry Ortega.

Tanong: Hanggang sa hanay lang ba ng mga gunman ang mananagot?

Sino-sino ba talaga ang utak sa pagpatay kay Doc Gerry?

SIKRETO SA KASO

Wala kayang mga sikretong kamay na nagmamaniobra sa kasong Ortega kaya nagkakagulo ito hanggang ngayon?

Dapat palalimin nang husto ng mga kinauukulan ang usaping ito para tuluyan nang malinawan ang pagpatay sa isang mediaman.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments