PEACE TALKS SA CPP-NPA – Remate

0
77


ILANG dekada na rin bang hinahangad ng gobyerno na matapos na ang insurgency sa ating bansa ngunit palagi na lamang itong nauudlot dahil na rin sa hindi mapagkasunduan bunga na rin ng napakaraming kahilingan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Lahat siguro tayo ay gusto ng katahimikan kaya nga nang mahalal si Pangulong Rodrigo Duterte ay agad itong gumawa ng hakbang upang magkaroon ng katuparan ang inaasam nating kapayapaan sa buong bansa.

Matatandaan din natin na mayroong bilateral ceasefire ang gobyerno at ang National Democratic Front (NDF) ngunit bakit hindi sumusunod ang CPP-NPA sa kasunduang ito kahit alam naman nila na isa itong paglabag sa isinusulong na usaping pangkapayapaan.

Kamakailan lamang ay inatake ng mga tauhan ng NPA ang isang istasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Maasin, Iloilo at kinuha ng mga ito ang mga baril, cellphone, pera at iba pang mahahalagang gamit ng mga pulis.

Dahil sa pangyayaring ito, muli na namang nalagay sa balag ng alanganin ang usaping pangkapayapaan.

Isa rin sa tinututulan ng CPP-NPA ang pagpapatupad ng Martial law sa Mindanao kahit na alam naman nila na kaya ito ipintutupad sa naturang rehiyon ay upang ubusin ang mga teroristang Maute Group na naghahasik ng kaguluhan sa Marawi City.

Ang katwiran ng CPP-NPA sa kanilang pagtutol sa pagpapatupad ng martial law ay dahil baka raw malabag ang karapatan ng bawat mamamayan dahil sa umiiral na batas militar.

Hindi ba alam ng mga ito na masyado nang nalalabag ang karapatan ng taumbayan dahil sa wala nilang tigil sa pakikipagdigma sa gobyerno?

Matagal nang namamayani ang takot sa mamamayan dahil hindi nila nararanasan ang inaasam na katahimikan at hindi rin alam ng mga Filipino kung bakit ayaw ng mga taong ito na magkaroon tayo ng kapayapaan?

Kung talagang inaalala ng mga taong ito ang karapatan ng taumbayan ay bakit hindi nila ibigay ang inaasam nating katahimikan dahil ito ang tunay na karapatan ng bawat Filipino na matagal na rin nilang ipinagkakait. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments