PAYONG KAPATID: May magandang mangyayari

0
77


Dear Kuya Rom,

Gusto ko siya, at mahal ko siya. Ang relationship namin ay tumagal ng two years. Nagkaroon ng gusot sa buhay niya at sa buhay ko, kaya nagdesis­yon akong magkalayo kami para hindi lumaki ang mga problema.

Ngayon, one year na kaming hindi nag-uusap tungkol sa relationship namin. Pero sure akong mahal ko pa rin siya. Alam ito ng mga friends namin, at maaaring alam din niya. Ang mga kaibigan ko ay mga kaibigan din niya, at paminsan-minsan ay nagkikita kaming dalawa. Paano ba kami makapag-move on?

May mga signs na gusto pa rin niya ako. Kaya lang hindi practical na umasa ako sa isang bagay na walang katiyakan.

Ayaw kong lapitan siya at sabihing mahal ko pa rin siya. Natatakot akong malaman na wala na siyang feelings sa akin dahil nasaktan ko siya. Nalilito ako sa nararamdaman ko at kung ano ang dapat kong gawin.

Hinahabol ko ba ang isang bagay na gusto ko, pero umaasa ako sa wala? O kailangang kausapin ko siya para mailabas ko ang lahat at huwag umasang may magandang mangyayari? — Zeny

Dear Zeny,

Kahit totoong mahal mo pa rin siya, hindi kailangang magmadali para malaman mo kung mahal ka pa rin niya.

Mainam na alamin mo mula sa mga kaibigan ninyo na wala siyang ibang karelasyon ngayon. Tiyakin mo mula sa mga kaibigan ninyo kung ano ang iniisip niya tungkol sa inyong dalawa — galit ba siya sa iyo dahil nasaktan mo siya o hindi nagbabago ang pagtingin niya sa iyo?

Kung may katiyakan ka man o wala, depende sa sasabihin sa iyo ng mga kaibigan ninyo, mabu­ting mag-usap kayong dalawa. Pakiusapan mo ang inyong mga kaibigan na tulungan kayong dalawa na magkaroon ng linaw ang lahat.

Kapag kasama siya ng barkada, pakiusapan mo silang bigyan nila ng pagkakataong makapag-usap kayong dalawa lamang.

Sabihin mo sa kanya na hindi mo layunin na saktan o layuan siya. Ang gusto mo lamang ay ma­ging maayos ang inyong buhay.

Kung nasaktan mo man siya, hilingin mong patawarin ka niya. Aminin mong mahal mo pa rin siya, at kung wala na siyang pagmamahal sa iyo, sabihin niya ang totoo, upang parehas kayong makapag-move on.

Manalangin kang mala­man mo ang plano ng Dios sa iyo. Hingin mo na bigyan ka Niya ng gabay at karunungan. Kapag kasama mo ang Dios, may magandang mangyayari.

Nasa Kanya ang pag-asa. Ipagkatiwala mo sa Kanya ang iyong buhay at kinabukasan. May pagtitiis na hintayin mo Siya, at manalig na kabutihan mo ang Kanyang gagawin.

Zeny, unawain mong ang pag-ibig ay hindi pakikipag-boyfriend lamang kundi pagkakaroon ng lalaking pinili at itinakda ng Dios na magmamahal sa iyo at makakasama mo habang buhay. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments