PAYONG KAPATID: Kapag magtanong ang bata

0
67


Dear Kuya Rom,

Nagkakilala kami sa ibang bansa. Parehas kaming may trabaho sa Dubai. Ako ay nasa heavy equipment department at siya ay secretary ng boss ko.

Naging girlfriend ko siya at nag-propose ako sa kanya. Nagtapat siyang may baby na siya. Sabi ko sa kanya, mahal ko siya, anuman ang nakaraan niya.

Natuloy ang kasal namin. Nasa Maynila na kami ngayon. Nakaipon ako ng sapat para maging maginhawa ang buhay namin.

Masuwerte akong nakahanap ng trabahong may malaking suweldo dahil sa experience ko sa abroad. Maligaya kami.

Naging ama ako ng baby niyang lalaki. Ang trato ko sa kanya ay parang tunay kong anak.

Mahal ko siya, tulad ng pagmamahal ko sa kanyang ina. Siyempre, natutuwa ang misis ko.

Anak ng isang Arabo ang bata at malaki ang pagkakahawig niya sa kanyang tunay na ama. Habang lumalaki siya, hindi namin siya talaga kamukha.

Kuya, ano ang sasabihin namin sa bata kapag magtanong kung bakit iba ang mukha niya sa amin? Kailangan bang sabihin sa kanya ang totoo? Kailan?

–Carlo

Dear Carlo,

Kung kailan? Depende ito sa oras na magtanong ang bata. Ito ang tamang panahon para sabihin ang totoo. Ang kanyang pagtatanong ay posibleng magsimula kapag dalawang taong gulang na siya.

Madalas na unang tinatanong ng isang bata ay kung paano siya ipinanganak at paano nangyaring ipinanganak siya.

Simpleng sagot sabi­hing nilikha siya ng Diyos sa tiyan ng kanyang ina. Dito ninyo kailangan ang scrapbook kung saan matatagpuan ang mga litrato ng baby noong ipinanganak siya, kasama ang ina niya.

Idagdag dito ang litrato mo na karga mo siya noong baby pa siya. Mabuting makita niyang natutuwa kayo sa kanya.

Magandang sa simula ng kanyang pagtatanong, ipakita at ituro sa bata ang litrato ng kanyang tunay na ama at ikaw, ang ama niyang kinagisnan, halimbawa, “si Papa Arabo, at si Papa Carlo.”

Tanungin man niya o hindi kung sino si Papa Arabo, simpleng sabihin ninyo sa kanya na ito ay nasa malayo, kaya si Papa Carlo ang nag-aalaga sa kanya.

Mas mabuting marinig niya ang totoo mula sa inyong mag-asawa, bago niya marinig ito sa iba. Kapag narinig niya mula sa inyo ang kuwento ng buhay niya, paniniwalaan niya ito.

Kung maganda ang trato ni Papa Arabo sa kanyang ina at may suporta ito sa bata, mabu­ting sabihin ito sa anak.

Kung may masamang karanasan ang kanyang ina sa tunay niyang ama, huwag na itong banggitin pa sa bata. Huwag na huwag ninyong sasabi­hing pinabayaan siya ng kanyang tunay na ama.

Ipaliwanag din sa bata na nilikha tayo ng Diyos na may iba-ibang katangian at hindi tayo magkakamukha. Kung may magkamukha man, malamang na kambal sila.

Kung ang bata ay mukhang Arabo, may ngiti sa labing sabihin ninyo sa kanya na ginawa siyang guwapo ng Diyos.

Ang importante sa bata ay makita at maramdaman niyang mahal ninyo siya at espesyal siya sa inyo. Carlo, may God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments