PAYONG KAPATID: High na high siya

0
51


Dear Kuya Rom,

Siya ay mabait, masipag at magiliw. Inasawa niya ako. Hindi ko naisip na may nakatago siyang ibang klaseng pagkatao. Siya ay mapagmahal, malambing at nalaman ko na lamang ang lihim na ginagawa niya nang mag live-in na kami. 

Tuwing weekend, may date kami, kumakain sa labas, nanonood ng sine, at namamasyal. Pag-uwi namin, magpapaalam na pupunta siya sa kanyang barkada. Pagbalik niya ng bahay sa madaling-araw, high na high siya.

Pagkatapos, manga­ngakong hindi na siya uulit. Tuwing magso-sorry siya at sasabihin niyang “huli na ito,” nalulungkot ako, sapagkat kahit anong iyak ko, hindi siya nagbabago. Patuloy pa rin siya sa paggamit ng drugs. Nagpapasensiya na lang ako. 

Kung hindi siya ba­ngag sa shabu, maayos ang relasyon namin. Kaya hangga’t kaya, ayaw kong sumuko at ayaw kong isiping wala na siyang pag-asang magbago. Pero hindi na ako maligaya. Hindi na ba siya magbabago?

— Vicky

Dear Vicky,

Ang bawat isa sa atin ay may pagkakataong magbago, pero ang pagbabagong nais mo ay hindi mo magagawa para sa kanya. Ito ay personal na desisyon niya.

Posibleng hindi siya nagbabago, sapagkat lagi kang nandiyan at may uuwian siyang yakap ng pagmamahal. Ang pagkaadik sa shabu ay mahirap ihinto ng isang adik. Maaaring hindi na niya ihihinto ito. Kapag nagpatuloy siya, hindi magiging matatag ang relasyon ninyo, patuloy kang malulungkot, iiyak, at hindi maligaya.

Tanungin mo ang iyong sarili, ito ba ang uri ng pag-ibig at relasyon na gusto mo? Kung hindi, tapusin mo na ito. Kung hindi siya gagawa ng desisyon, ikaw ang gumawa ng desisyon. Kausapin mo siya.

Sabihin mo sa kanya, inilihim niya ang pagiging drug addict niya. Tanu­ngin mo siya, ano pa ang mga ibang bagay tungkol sa kanya na hindi niya sinasabi sa iyo. Ang malaman mo lahat ng tungkol sa kanya ay mahalaga sapagkat ang katapatan ay haligi ng isang matatag na relasyon.

Sabihin mo sa kanya na bawal sa batas ang kanyang ginagawa, at dahil dito, maaari siyang mahuli, makulong, mapatay at ikaw ay masangkot at mapatay din. 

Sabihin mo sa kanya, kung hindi niya mapuputol ang pagiging adik niya at hindi siya hihinto sa kanyang masamang ginagawa, ikaw ang puputol sa inyong relasyon at iihinto mo na ang nakalulungkot na sitwasyong ito. 

Pamiliin mo siya, ikaw o droga? Nawa’y piliin ka niya. Nawa’y piliin niya ang pag-ibig upang siya ay magbago. Ang pagbabago niya ay nangangailangan ng drug rehabilitation na isang mahaba at matagal na proseso. Makapaghihintay ka ba? 

Isipin mo ang iyong kinabukasan. May magandang kinabukasan ka ba sa piling ng lala­king ito? Bakit live-in kayo? Bakit hindi ka niya pinakasalan? Mahal ka ba niya talaga, o katawan mo lamang ang gusto niya? Vicky, personal na desisyon mo ang pamimili kung anong klaseng tao ang mapangasawa mo. May God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments