PAYONG KAPATID: Ang girlfriend ko’y girlfriend niya

0
94


Dear Kuya Rom,

Hindi ako naging maingat. Dalawang babaeng maganda ang naanakan ko, pero parehas silang taksil at may kanya-kanya silang kinakasamang ibang lalaki ngayon. Nagdesis­yon akong kunin ko sa kanila ang mga bata. Ako ngayon ang nagpapalaki sa dalawang anak ko.

Mula noon, naging maingat na ako. Pero dumating sa aking buhay ang isa pang babaeng maganda at malam­bing. Gusto kong may makasama habang buhay, kaya naging girlfriend ko siya.

Kaya lang, pagkaraan ng two months sa aming relationships, nakatanggap ako ng text mula sa isang lalaking nagsasabing girlfriend niya ang girlfriend ko. Nagkita kami. Ipinakita niya sa akin ang mga text. Iisa ang sinasabi ng babaeng ito sa a­ming dala­wa, “I love you and want to be with you forever.” 

Itinanggi ng girlfriend ko ang lahat. Nasaktan ako, kasi nagtiwala ako sa kanya. Para sa akin, two-timer siya, kaya hindi na ako nagpakita sa kanya. Tumawag siya sa akin at nag-sorry.

After one hour, tumawag siya ulit at sinabing mas mahal niya ang boyfriend niyang iba.

Pagkaraan ng isang linggo, tumawag na naman siya, at gusto niyang magkabalikan kami. 

May babae bang ganito, maganda pero sanay magsinungaling? Tulu­yang layuan ko ba siya sapagkat sasaktan lang niya ako? O bibigyan ko siya ng pagkakataon? — Arnel

Dear Arnel,

Ipagpatuloy mo ang pagiging seryoso at maingat sa pagpili ng babaeng makakasama mo habang buhay alang-alang sa iyong mga anak. Isapuso mo ang kasabihang “Ang nagmamadali at hindi nag-iingat ay nadadapa.”

Ang babaeng nais makipagbalikan sa iyo ay maaaring totoong malambing at maganda, pero hindi siya magiging magandang halimbawa sa mga bata, sapagkat mukhang lumaking sinungaling at serial liar ito. 

Ikaw ay mabait. Huwag mong sayangin ang iyong kabaitan sa isang babaeng hindi mapagkakatiwalaan. Siguradong sasaktan ka lamang niya, at maaaring masasaktan din niya ang iyong mga anak.

Matagal na panahon ang kailangan para ganap na maalis sa isang tao ang pagsisinungaling at matutunang maging tapat. Kaya mainam na kalimutan mo na lamang siya. Hanapin mo ang babaeng may takot sa Dios, tapat, at karapat-dapat. Narito ang wika ng Biblia tungkol sa isang babaeng mabuting asawa:

“Nagsasalita siya nang may karunungan, at nagtuturo nang may kabutihan. Masipag siya, at inaalagaang mabuti ang kanyang pamilya. Pinupuri siya ng kanyang mga anak, at pinupuri rin ng kanyang kabiyak na nagsasabi, “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit ikaw ang pinakama­buti sa kanilang lahat.” Ang pagiging kaakit-akit ay makapandaraya, at ang kagandahan ay kumukupas. Pero ang babaeng may takot sa Panginoon ay dapat purihin.” (Kawikaan 31:26-30). 

Arnel, manalangin kang gabayan ka ng Dios. May God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments