‘PATAWAD SA NAGAWA NG ANAK KO!’

0
91


Umiyak sa paghingi ng tawad sa harap ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Oscar Albayalde si Ginang Teodora Carlos, ang ina ng natukoy na gunman sa pag-atake sa Resorts World Manila. (AFP)

Labis ang paghihinagpis sa ginawa ng kanyang anak at humihingi rin ng kapatawaran sa mga pamil­ya ng 37 nasawi ang mga magulang ng gunman na umatake sa Resorts World Manila sa Pasay City.

“Sa mga nadamay sa anak ko, humihingi po kami ng tawad sa inyo. Hindi po namin matanggap na naging ganon ang anak ko. Napakabait po ng anak ko na ‘yan,” ang umiiyak na pahayag ni Ginang Teodora Carlos nang humarap sa mga mamamahayag kahapon.

“Nakikiramay na lang po kami, humihingi na lang po kami ng patawad sa nagawa ng anak ko. Hindi naman po namin gusto ‘yung nangyari. Humihingi na lang po kami ng patawad dun sa mga namatayan po. Patawad na lang po,” wika naman ni Ginoong Fernando Carlos.

Bandang alas-5:30 ng madaling-araw kahapon nang magtungo ang mga kaanak ng natukoy na gunman sa Special Investigation Task Force at kinumpirma na ito’y walang iba kundi si Jessie Javier Carlos, 42-anyos, isang Filipino, na dating empleyado ng One Stop Shop ng Department of Finance, at residente ng San Lazaro, Sta. Cruz, Manila.

Dahil dito, tuluyan nang isinantabi ng Philippine National Police (PNP) ang hinalang isang dayuhan o Caucasian ang gunman na unang lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya. Binigyang-diin pa ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Oscar Albayalde na wala talagang kinalaman sa terorismo ang trahedya sa Resorts World Manila.

Nakilala ang gunman batay sa inilabas na CCTV footage mula mismo sa pamunuan ng Resorts World Manila at namukhaan ito ng kanyang mga kaanak na agad nagtungo sa tanggapan ni Albayalde.

Ipinakita sa media ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Oscar Albayalde ang larawan ng gunman na si Jessie Javier Carlos. (AFP)

“In the interest of justice, members of his fami­ly are with us here today. They express their deepest sympathy to the families and friends of the victims and to the public in general,” pahayag ni Albayalde na kasama ng mag-asawang­ Carlos nang humarap sa media kahapon.

Base sa imbestigasyon, sinibak ng DOF si Carlos dahil sa misdeclaration at non-disclosure sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

“High roller siya, his minimum bet is usually P40,000 kaya siya nalulong nang nalulong sa sugal,” ayon kay Albayalde.

Aniya, may bank account si Carlos na umaabot sa P4 million ang outstanding debt bukod sa iba pang pagkakautang.

Dahil dito kaya nagkaroon ng problema si Carlos sa kanyang asawa at mga magulang hanggang sa napilitang ibenta ang kanyang sports utility vehicle at real estate property sa probinsya. Nagkahiwalay si Carlos at ang kanyang misis na si Jen kung saan mayroon siyang tatlong anak na may edad 17, 10 at 8-anyos, dahil sa madalas nilang pag-aaway sa pagkalulong nito sa sugal.

Ayon kay Albayalde, noong buwan ng Abril ay pinagbawalan na si Carlos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na maglaro sa lahat ng casino, kabilang na dito ang Resorts World Manila, dahil na rin sa kahilingan ng kanyang mga kaanak.

Maaaring ito, aniya, ang nag-trigger o naging dahilan kaya galit na galit si Carlos sa casino.

Binigyang-diin naman ni Ginoong Carlos na wala nang iba pang bisyo ang kanilang anak gaya ng pagiging lasenggo o sa iligal na droga.

Wala umano silang alam kung gumagamit ang anak ng iligal na droga at ang tanging alam nila ay adik ito sa pagsusugal sa mga casino na naging dahilan ng pagkakagulo ng pamilya nito.

“Mula lang nu’ng nag-casino siya hindi na po niya kami pinupuntahan niyan, puro casino na lang ang ginagawa niya. Tinitiis po namin ‘yun na hindi kami puntahan ng anak ko pero pagtawag po niya sa amin nandyan po kaagad kami sa kanila,”ayon naman kay Ginang Carlos.

Sinabi pa ng ginang na biktima rin sila sa nangyari sa kanyang anak dahil ang pagkasugapa nito sa sugal ay nauwi sa paghihiwalay nila ng asawa.

Umaasa rin ang ginang na magsisilbing aral ang nangyari sa kanyang anak para sa lahat ng pamilya na may kaanak na sugapa sa casino.

“Ang mensahe po ng pagkamatay ng anak ko pinakikita sa tao na ‘wag pong malulong sa bisyo para nang sa ganoon ‘di masira ang kanilang pamil­ya. Totoo po ‘yan, nasira na ang kanyang pamilya dahil sa kanyang casino na kinalolokohan,” diin ni Ginang Teodora.

Payo nito sa mga pamil­ya na kaagad patigilin habang hindi pa huli ang lahat kung may anak silang naadik na sa sugal.

“Kung maaari po sana awatin po ninyo ang anak ninyo. Kami po namimig­hati na, hindi na po namin matanggap na ang anak po namin nalulong nang husto hanggang sa umabot sa ganitong pangyayari,” wika ng ina.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments