PARI’T MADRE SA BOC – Remate

0
25


ANG Bureau of Customs ay malinggit na ahensya lang pero numero uno itong pinagtutuunan ng pansin ng mga Pangulo.

Ang BoC ay isa kasi sa inaasahan ng gobyerno na magdadala ng bulto-bultong pondo para sa gastusin ng bayan.

Pero sa rami ng salaping pinag-uusapan, naging kakambal na nito ang katiwalian na umabot sa matataas na pinuno ng pamahalaan.

Dahil sa korapsyon, madalas na napapalitan ang naipupuwestong komisyuner. Maya’t maya kasi, lumalabas ang mga isyung ‘lagayan’ dahil sa pagpapalusot ng mga produkto, kung hindi milyon ay bilyon ang halaga.

Dahil nga pinalulusot, katiting lang ang nakukuhang buwis dahil ang bulk ng sana’y ibabayad ng importer ay ‘inilalagay’ sa mga tiwaling BoC official. Ang ‘lagayan system’ ay naging kalakaran na sa ahensya kaya maraming natapon na salapi na sana’y napunta sa kaban ng bayan.

Nang nahalal si Pangulong Duterte, nagkaroon ng pag-asa na matutuldukan na ang problemang ito na existing na ng matagal na panahon.

Bukod sa war on drugs, nais ng Pangulo na matigil na ang katiwalian sa pamahalaan, lalo na sa BoC na itinuturing na most corupt agency ng gobyerno. Napili ni PDU30 si Nicanor Faeldon, isa sa mga lider ng Magdalo soldiers na nag-aklas noong panahon ni Pangulong Arroyo dahil sa katiwalian din.

Tahimik na nagtrabaho si Faeldon, kasama ang iba pang Magdalo member na kanyang ni-recruit para magtrabaho sa waterfront. Ngunit sa pagkakasakote sa pinalusot na P6.4-bilyong shabu sa aduana, maraming sikreto ang nabulgar kasunod ng Senate inquiry sa pangyayari.

Ang nais ni Pangulong Digong na mabura ang korapsyon sa ahensya sa pamamagitan ng liderato ng appointee na si Faeldon ay ‘di huminto, bagkus tumindi pa raw. Mismong si Sen Ping Lacson ang nagbulgar na si Faeldon at ilan pang BoC official ay tumatanggap ng ‘tara’ o tongpats sa mga smuggler.

Mariin na pinabulaanan ni Faeldon at ilan pa na pinangalanan ng senador na sila’y tumatanggap ng lagay. Pero nagdesisyon na ang Pangulo, sinabihan si Faeldon na magpahinga na muna, kapalit ni Isidro Lapeña.

Kung pagbabasehan ang kasaysayan, marami ang nagsasabi na baka ‘kainin’ din ng sistema ang incoming na liderato ng BoC. Hayyy, problema talaga ang BOC.

Pero ano kaya kung ang italaga ni PDU30 ay mga pari at madre para mangasiwa sa BoC. Nakatatawa pero baka ‘yan na ang sagot para mahinto na ang korapsyon sa ahensya. CHOKEPOINT/BONG PADUA

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments