Pagpasa ng BBL, siniguro ng 4 senador

21



Tatlong taon na ang nakalilipas nang maganap ang madugong engkuwentro sa Mamasapano na naging mitsa sa pagbasura ng panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Layon ng BBL bigyan ng pagkakataon ang mga Muslim na pamunuan ang rehiyon, patakbuhin ang ekonomiya, pulitika, at bigyang serbisyo ang mga taga-Mindanao.

Nitong Huwebes, apat na senador ang dumayo sa Camp Darapanan na teritoryo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) para tiyakin na sa ikalawang pagkakataon ay maisasabatas na ang BBL.

“I can assure you that passage of this will be smooth sailing,” ani Senador Juan Miguel Zuburi. 

“Sisiguruhin ho natin na ipapasa ang version na ito nang walang babaguhin,” pagtitiyak naman ni Senador Sonny Angara. 

Si Senador Risa Hontiveros, tiniyak ang suporta ng oposisyon sa BBL.

Gayundin si Senador JV Ejercito na umaming kabadong pumunta sa lugar dahil ang kaniyang ama na si dating Pangulo Joseph Estrada ang nag-utos na bombahin ang Camp Abubakar na teritoryo ng MILF.

Masaya naman si MILF chairman Al Hadj Murad Ebrahim dahil ngayon lang sila nabisita ng maraming senador, militar, at pulis.

Dagdag niya, 40 taon na rin daw silang nagdarasal para sa kapayapaan sa Mindanao, at BBL ang nakikita nilang daan para dito.

“Kung papasa ang BBL at tatanggapin ng mga tao, it will weaken the extremists,” ani Ebrahim.

Sa Cotabato City, binuksan sa publiko ang consultation meeting para sa BBL.

Sa Biyernes, mga residente ng Marawi naman ang kukonsultahin ng mga senador kasunod ang mga taga-Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.

–Ulat ni Sherrie Ann Torres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments