PAGLAYA! – Remate

0
54


BAKIT paglaya at hindi Kalayaan?

Ngayon at mula noon, pwede na tayong magmalaki bilang mga tunay na Filipino dahil sa napipintong bagong mukha ng bansa sa kamay ni Pangulong RODRIGO ROA DUTERTE.

Matagal ang panahon na tayo ay alipin ng imperyalistang America at mga kakampi at kaalyadong bansa. Nakabibingi nga ang paulit-ulit na pagsasabi na kapatid nila tayo sa postura at pamumuhay pero kailanman ay hindi at walang katotohanan. Tingnan ang pagitan ng buhay natin sa kanila!

Bago pa man maupo bilang Pangulo si MAYOR DIGONG, ipinakita niya na hindi tayo dapat yumuko sa anomang bansa. Gusto niyang igalang tayo ng lahat ng bansa at huwag pakialaman ang panloob na patakaran.

Kung noon ay ilag sa atin ang mga bansa na hindi kakampi ng Amerika, ngayon, maganda ang itinatakbo ng pakikipag-ugnayan natin sa mga interesadong bansa sa pangunguna ng China at Russia. Kailan lang, ilan pang bansa ang nakipag-usap kay Pangulong RODY para maging kasapi ng ASEAN.

May mga pumiyok na nagsabing hindi sila sakop ng rehiyon ng Asya. Pero bakit ang America, Australia at iba pa ay nakabuntot sa rehiyong Malaya – ang ASYA?

Sa halip na magalit tayo, dapat ay magbunyi tayong mga Filipino dahil binubuksan ni KA DIGONG ang mga daan tungo sa mahusay na pakikipagkaibigan at kapatiran sa maraming bansa. Matagal na tayong niloloko ng imperyalistang Amerika at ngayon ay itinatama ng ating tunay na lider.

Sana nga ay makamit na natin ang paglaya sa iligal na droga at krimen. Sana nga ay makamit na natin ang magandang komunidad sa bawat bayan, lungsod at mga lalawigan. Sana ay maging malaya na tayo laban sa pagsasamantala, hindi lang ng mga dayuhang bansa kundi mismo sa ating hanay. Sundin ang loob mo!

Ano nga ba ang mapapala natin sa mga tulong pinansiyal mula sa Amerika at European Union kung kaakibat naman na tila tayo mga uto-uto at alipin na sasabihan kung paano gagastusin, kasama ang maraming bawal sa kanila?

Malinaw ang daan natin sa paglaya laban sa kamay ng mga imperyalistang bansa. Malinaw na ang layon ay pakikipagkaibigan sa lahat na walang anomang banta ng gulo sa bawat isa. Kapayapaan para sa lahat. Pantay na ugnayan at walang lamangan.

Malinaw ang proseso ng kasalukuyang rehimen sa tunay natin na PAGLAYA! BALETODO/ED VERZOLA

loading…



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments