Pagboto sa mga opisyal ng barangay, karapatan na dapat protektahan

0
25


Napakalaki ng halaga na inilalagay ng mga Filipino sa kanilang kakayahan na pumili ng mga pinuno ng lipunan.

Hindi maikakaila na may ilan na dahil sa hirap ng buhay o sa pananakot ng mga makapangyarihan ay napipilitang ibenta ang kanilang boto. Ngunit para sa karamihan, ito ay isang karapatan na hindi basta-basta isusuko.

Kamakailan lamang ay muling pinagpaliban ang eleksyon para sa mga opisyal ng barangay. Nang unang pinagpaliban ang eleksyon noong 2016, naging isa ako sa mga pangunahing may-akda ng batas sa Kongreso.

Ito ay dahil sa payo mismo ng Comelec na maaaring makaranas ng ‘election fatigue’ ang mga Filipino kung sa parehong taon ng presidential elections gaganapin ang barangay elections.

Nang muling pinagpaliban ang eleksyon ngayong 2017 sa Mayo ng 2018, hindi ko ito tinutulan ngunit ako ay lubhang nabahala sa mga ipinalutang na panukala na itatalaga na lamang ang mga opisyal ng barangay imbes na ipadaan pa sa eleksyon.

Nakasaad sa ating Saligang Batas na ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa kung saan ang kapangyarihan ng gobyerno ay nagmumula sa mga mamamayan.

Kaya naman ang pagtalaga sa mga opisyal ng barangay sa halip ng paghalal ay isang malinaw na pag-agaw ng kapangyarihan na ito mula sa mga mamamayan.

Ang naging dahilan ng iba kung bakit dapat italaga na lang ang mga opisyal ng barangay ay dahil ang iba ay ‘di umano’y sangkot sa iligal na droga. Ngunit mayroon na tayong mga proseso upang imbestigahan, tanggalin, at ipakulong ang sinumang opisyal na sangkot sa iligal na droga.

Maliban pa rito, walang kasiguraduhan na malinis ang lahat ng maitatalaga, lalong-lalo na’t napakabigat na trabaho ang pagtalaga sa higit apatnapung libo (40,000) na opisyal ng barangay.

Sa ngayon ay humupa na ang mga panukala ukol sa pagtatalaga ng mga opisyal ng barangay. Subalit inaasahan ko na muling bubuhayin ang isyung ito habang papalapit ang Mayo 2018.

Sa dahilang ito, dapat maging mapagmatyag ang lahat ng mamamayan at kaming nasa gobyerno upang masigurado na mapoprotektahan ang sagradong karapatan ng bawat Filipino na piliin ang mga pinuno ng kanilang lipunan.



All Credit Goes There : Source link

Comments

comments