PAGBANGON – Remate

0
31


ISANG linggo matapos ideklara ni President Duterte na malaya na ang Marawi sa terorismo ay nagpahayag si Defense Sec. Delfin Lorenzana na nagwakas na ang 154 na araw ng pananakop ng Maute group na sinuportahan ng Islamic State of Iraq and Syria.

Ayon sa militar, nasawi sa digmaan ang 920 terorista bukod pa sa mga bangkay na hindi pa nila nababawi. Nalagas naman sa panig ng gobyerno ang 165 sundalo at pulis. May 1,780 bihag ang nailigtas at 850 armas ang nasamsam.

Dahil sa ipinakitang pagsisikap at determinasyon ng Pilipinas na labanan ang terorismo, napigilan ang pagkalat nito sa Asya.

Dapat din ipagpasalamat ang naging kontribusyon ng mga bansang Amerika, Australia, Malaysia, Indonesia, Brunei, Singapore at China upang mapalaya ang Marawi.

Matapos ang labanan, nasasabik ang mga sundalo kung matutuloy ang ipinangako ng Pangulo na sasagutin ang libreng biyahe papuntang Hong Kong ng mga kawal na pararangalan ng medal of valor. Nang bumalik si Duterte sa Marawi, nagpahayag ito na ipara-raffle raw niya ang pagbiyahe sa Hong Kong.

Nakatutok na ang pamahalaan sa mabigat na hamon ng rehabilitasyon ng Marawi City sa tinamong hindi birong pagkawasak ng imprastraktura at mga pag-aari na nangangailangan ng tunay na pagkakaisa ng mga mamamayan.

Titiyakin daw ng mga opisyal ng barangay na tanging mga residente lang ng Marawi ang makababalik sa lugar at hindi masisingitan ng mga taong-labas na maaaring makalikha lang ng gulo.

Magtatayo muna ang National Housing Authority ng 1,500 pansamantalang kabahayan na aabutin lang ng dalawang araw para gawin.

Ang Department of Public Works and Highways at mga inhinyero ng militar ay nagsimulang maglinis ng mga kalat at gumuhong bahagi ng gusali sa mga daanan. Naglaan ang DPWH ng P200-milyon upang isaayos ang mga kalsada, lagusan ng tubig at ibang pangangailangan.

Ang Task Force Bangon Marawi, Department of Trade and Industry at ibang ahensya ng gobyerno ay tutulong sa mga taga-Marawi upang makapagsimula ng maliliit na negosyo at kumita habang sumasailalim sa rehabilitasyon ang nawasak nilang lungsod.

Maganda at kinakailangan ang mga naturang proyekto. Tunay na nagkakaisa ang karamihan ng Pinoy sa hangaring makabangon ang Marawi.

Pero nagpapaalala ang Firing Line na huwag mahaluan ng katiwalian ang lahat.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

loading…





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments