P260B BAHAY-KALAPATI NG MGA MAYOR

0
25


NAG-IIMBESTIGA ang Kamara ukol sa kahabag-habag na kalagayan ng libo-libong biktima ng bagyong Yolanda.

Paanong hindi kahabag-habag, eh, naubos na yata lahat ng nasa P260-bilyong rehabilitation fund para sa kanila, panay kamalasan pa ang kanilang natatamo.

Ayon sa mga kongresman, maituturing, halimbawa, na bahay-kalapati ang mga itinayong housing project para sa mga ito.

Napakaliliit na nga, puro sub-standard pa ang mga materyales at pagkagawa.

Malas talaga.

HUWAG IPAGTAKA

Sa bagay, huwag nang ipagtaka ito dahil mismong ang mga pabahay para sa mga pulis at sundalo ay halos ganito rin ang itsura.

Kaya nga, marami sa mga pabahay sa mga pulis at sundalo ay ayaw tirhan ng mga benepisyaryo.

Kaya hayun, sinampulan ng mga Kadamay ang isang housing site. At pinabayaan na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte na angkinin ng mga Kadamay dahil ayaw ngang tirhan ng ating mga magigiting na pulis at sundalo ang mga iyon.

PANAHON NI PNOY

Anak ng tokwa, panahon ni dating Pang. Benigno Aquino III naitayo ang mga proyektong ito.

Panahon ng Tuwid na Daan. Pero ano ang nangyari at parang tinuwaran ang nasabing Tuwid na Daan na iyon?

Huwag talaga tayong magtaka. Kasi puno talaga ng anomalya noon.

Halimbawa ang halos tig-P4-bilyong mga kontrata sa plaka ng sasakyan, lisensya ng mga tsuper at mantinansya ng MRT-3.

MAS MALALAKI

Pero may mas malalaking proyekto noon at ang mga ito ang gusto nating kumustahin.

Kamusta kaya ‘yung P16-bilyong School Infrasture Project Phase 1; P15.52B Ninoy Aquino International Airport expressway, P3B Integrated Transport System, P17.5B Mactan-Cebu International airport expansion, P30B Bulacan Bulk Water supply project at P65B LRT line 1 Cavite extension at iba pa?

Siyempre pa, ang pangungumusta natin ay kung kinulapulan din ito ng mga iskam na katulad sa MRT-3, driver’s license, car plates at pabahay.

Sabi ni Pangulong Duterte, rerespetuhin nito ang mga kontrata nina PNoy.

Eh, paano kung may sumingaw na kagaya ng nangyari sa MRT-3 at ng kaso ni Lucio Tan sa NAIA 2 na mabilis niyang inaksyunan?

TUWID NA DAAN DAPAT ITUWID

Talaga namang puno ng katiwalian noong panahon ni PNoy.

Ang Tuwid na Daan ay tinawag noon ni dating Senador Miriam Defensor-Santiago na liko-liko.

Dahil dito, dapat lang na ituwid ito at si Pang. Digong na gumagawa ng aksyon. At naging sampol na nga ang pagtutuwid sa MRT-3 maintenance contract na sinibak na kamakailan.

Sinibak din ang hindi pagbabayad ni Tan ng P6-bilyong renta sa NAIA 2.

Gayundin na sinibak ang pandaraya ng isang kumpanya ng sigarilyo at pinagbayad ito ng bilyon-bilyong piso.

Ang aksyon ni Pang. Digong ay hindi lang para magkaroon ng pondo ang gobyerno para sa serbisyo publiko kundi sibakin ang lahat ng uri ng katiwalian.

Itong katiwalian, mga Bro, na pagpapayaman sa pwesto o panggagatas sa pamahalaan at sa taumbayan ay dapat talagang madurog.

Alang-alang lahat sa sambayanan.

MAYOR MABILOG

Sa gitna ng mga katiwalian na dapat talagang aksyunan, dapat din talagang lingunin ang mga mayor na mas maliliit na tiwali kaysa mga iskalawag sa Malakanyang at Kongreso.

Sa ngayon, sibak na sa puwesto si Iloilo City Mayor Patrick Mabilog pero gawa ito ng Office of the Ombudsman.

Hindi umano naipaliwanag ni Mabilog ang kanyang kitang-kita na sobrang yaman.

Siya ‘yung tinatakan mismo ni Pang. Digong na druglord pero kahit kailan ay hindi nakapa ni Sen. Franklin Drilon na napakalapit niyang kamag-anak.

MAYOR NAVARRO

May pinatay na ating kabaro o mediaman sa lungsod ni Bislig City, Surigao del Sur, Librado Navarro.

Patay mismo sa pinangyarihan ng pamamaril si Christopher Lozada, broadcaster ng Prime Broadcasting Network.

Itong si Lozada ay isang kritiko ni Navarro at nagkaroon na ng kasong libelo ni Mayor laban kay Lozada.

Habang itinuturo kay Mayor Navarro ang krimen, sinabi nitong handa siyang magpaimbestiga kasabay ng pagsasabing hindi niya umano magagawa ang krimeng ibinibintang sa kanya.

Sana nga, walang kinalaman si Mayor Navarro sa pangyayari at ipaubaya na lang natin ang lahat sa gulong ng katarungan.

Ang inaalaala natin, marami na ang napapatay na mediaman sa lalawigan at umaabot na yata sa anim.

Pero hanggang ngayon, wala pang nakikilalang mga gunman at may utak sa mga pagpatay.

Sana, makamit din natin ang katarungan para sa mga mamamahayag.

oOo
Anomang reklamo o puna, mangyaring i-text lamang po sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

loading…





All Credit Goes There : Source link

Comments

comments